WALANG nag-akala na ang COVID-19 ay magdudulot ng mas higit pang problema bukod sa kalusugan dahil nasaksihan natin ang pagsisikap ng bawat bansang naghikahos upang ibangon ang kani-kanilang mga ekonomiya.
Ang pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya — na bumaba sa 3.3 porsyento noong 2020 — ay nagdulot ng domino effect at nakaapekto sa maliliit na mga bansang katulad ng Pilipinas.
Matatandaang noong 2020 na kasagsagan ng pandemya ay bumagsak sa 9.5 porsyento ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sa kabutihang palad, kahit pa apektado rin ang napakaraming mga negosyo ay nanatiling bukas ang maraming kompanya na tumulong sa pagbangon, kabilang na rito ang Manila Electric Company o Meralco.
Noong nakaraang linggo, nakipagtulungan ang Meralco sa lokal na pamahalaan ng Pasig upang maisakatuparan ng ilang mga Pasigueño ang kanilang pangarap na maging doktor.
Sa ilalim ng pinirmahang memorandum of agreement (MOA), limang residente ng Pasig na nagnanais magkaroon ng titulong Doctor of Medicine at Master of Business Administration sa Ateneo School of Medicine and Public Health (ASMPH) ang makatatanggap ng scholarship mula sa One Meralco Foundation (OMF) at sa Pasig local government unit (LGU).
Ang OMF, ang sangay ng Meralco na nangangasiwa sa mga programa nitong pagtulong sa mga komunidad, ang sasagot sa mga pangunahing gastos ng iskolar gaya ng bayad sa matrikula at mga miscellaneous fee, habang ang lokal na pamahalaan ng Pasig naman ang magbibigay ng allowance para sa uniporme, pagkain, at subsidiya sa transportasyon.
Ang inisyatibang ito ay hindi lamang makatutulong sa mga iskolar kundi pati na rin sa mga residente ng Pasig dahil ang mga iskolar ay maninilbihan sa mga pampublikong ospital ng Pasig, katulad ng Pasig City General Hospital, Pasig City Children’s Hospital, at Pasig City Health Department, sa oras na sila ay makapagtapos ng pag-aaral.
Bukod sa nagsisilbing parangal para sa mga medical worker na lumaban upang wakasan ang COVID-19 at pagpapalakas sa ating healthcare system, ang inisyatibang ito ng Meralco at ng Pasig LGU ay naglalayon ding hikayatin ang mga kabataan upang kumuha ng kursong medisina at magsilbi sa mga komunidad sa ating bansa.
Batid nating mahihirapan ang susunod na administrasyon upang ibangon ang ating bansa mula sa epekto ng pandemya lalo pa at napagtanto nating hindi tayo naging handa sa pangyayaring ito.
Ngunit naniniwala akong mapipigilan nating mangyari itong muli kung tayo ay mamumuhunan sa kakayahan ng ating mga skilled worker at sa pagpapalakas ng ating healthcare system.
Dagdag pa, ang pamumuhunan ay siyang magpapakita sa ating mga mamamayan na sila ay ating inaalagaan dahil mas mabibigyan natin sila ng mas maayos na healthcare system na kanilang maaasahan at mapagkakatiwalaan.
198 