MALAYO sa kalibre ng kanyang ama ang isang reeleksyonista sa Senado. Bagama’t, kapwa sila kilala sa bansag na Plastic King, may salungat sa interpretasyon sa kani-kanilang katauhan.
Ang matanda, kilala sa dedikasyon sa kanyang negosyong matiyagang itinaguyod at pinaunlad gamit ang husay at prinsipyo. Ang anak, bukod sa nakasandal lang sa amang bilyonaryo, hindi kainaman ang reputasyon bilang isang politiko.
Bakit kamo? Kasi naman walang isang paninindigan. Ang sinamahang lupon biglang iniwanan. Ang totoo, hindi na bago ang plastik sa lipunan, pero ang batang Plastic King pinanindigan ang titulong minana sa amang pinagmulan.
Subalit hindi tulad ng pagiging Plastic King ng amang kilala sa negosyong plastic products na ginagawa sa kanilang pabrika, kakaibang plastik ang pasaring sa kanya. Bulong-bulungan sa kanyang lapiang tinalikuran, hari daw siya ng kaplastikan.
Ang siste, pagkatapos niyang lumipat ng lapian, hindi pa rin napirme ang kanyang katapatan. Usap-usapan ngayon ang nakagawian niyang pang-iiwan sa kanyang mga bagong kasamahan.
Oops, namamangka na naman ba sa dalawang ilog? Oo, ayon sa kanyang bagong koponan, kasabay ng paglalabas ng isang video clip na akin mismong natunghayan.
Susmaryosep, ang batang Plastic King hindi lang basta sumampa sa entablado ng kalaban ng kanyang grupong kinabibilangan – tinawag pang susunod na Pangulo ang standard bearer ng partidong kalaban ng kanyang mismong lapian.
Rewind tayo ha. Bago pa sumanib si Plastic King sa tandem nina Senador Ping Lacson at Tito Sotto, batid niya ang sustansya ng kasunduang pinasok niya. Bawal sumampa sa kalaban ng lapian, at lalong bawal i-endorso ang mga pambato ng ibang koponan.
Bagama’t walang nilagdaan, angkop na igalang ni Plastic King ang maginoong kasunduan. Pero dahil Plastic King nga, hindi naiwasang balikan ang nakasanayan – ang manglaglag ng mga kasamahan sa tuwing may pagkakataong sa palagay niya siya’y makakalamang.
Plastic King man, mayroon pa rin palang pakiramdam. Sa sobrang kahihiyan, ‘di na sinipot ang proklamasyon ng kanyang orig na lapian at sa halip ay pinadalo ang kapatid bilang kanyang kinatawan.
Hindi na bago sa mga politiko ang sumama sa liyamado. Pero sadyang kakaiba ang isang ito. Hindi kuntentong isa lang ang kanyang behikulo. Sa isang banda, tama rin naman, iba na ang sigurado!
Pero teka, hindi ba’t isa ang batang Plastic King sa 24 na kongresistang sinampahan ng kasong katiwalian kaugnay ng maanomalyang bentahan ng naluluging bangkong pag-aari ng kanyang pamilya sa Local Water Utilities Administration noong taong 2009?
Dignidad ba kamo? Plastic King nga eh!
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
323 