Gulay, prutas, karne at yamang-dagat AGRI-SMUGGLERS SWAK SA ASUNTO

JOEL O. AMONGO

KABI-KABILANG kaso ang inihain kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga kum­panyang nasa likod ng tangkang pagpuslit ng mga produktong agrikultura tulad ng gulay, prutas, karne at mga yamang-dagat.

Sa isang kalatas ng ahensya, kabilang sa mga kinasuhan sa paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016) ang mga kumpanyang GJ&M Global Resources, PFL Export Trading, GQA Prime Commodities at Zeechai Root Crops Trading kaugnay ng mga tangkang pagpuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.

Unang sinampahan ng asunto ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) sa ilalim ng Revenue Collection Monitoring Group (RCMG) noong nakaraang Marso 4 ang GJ&M Global Resources at PFL Export Trading kaugnay ng umano’y illegal importation ng mga pinatuyong pipinong dagat (sea cucumbers) sa Port of Cebu.

Sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) napag-alamang walang lumalabas na walang commodity clearance na inilalabas ang nasabing tanggapan ng pamahalaan sa mga nasabing kompanya.

Swak din sa asunto ang GQA Prime Commodities Corp. para sa misdeclaration ng mga inangkat nitong gulay at prutas na idinaong din sa Port of Cebu.

Patong-patong na asunto rin ang inihain laban sa Zeechai Root Crops Trading na limang ulit umanong nagpuslit sa Port of Subic ng iba’t ibang klase ng gulay, prutas, frozen meat at isda.
Sa imbentaryo ng RCMG,

aabot sa P280 milyon ang halaga ng mga ipinuslit na produktong agrikultura ng mga nasabing kompanya. Bukod pa sa mga importers, hagip din sa demanda ang mga customs brokers
na umano’y kasapakat sa nasabing illegal importation.

Sa tala ng kawanihan, 18 kasong kriminal na ang naisampa ng BATAS laban sa 46 na negosyante mula pa buwan ng Enero, bukod pa sa mga kasong administratibong inihain sa Professional Regulation Com­­mission (PRC) laban naman sa tatlong customs brokers.

217

Related posts

Leave a Comment