SA kabila ng pagkabalam bunsod ng direktibang inilabas ng isang mataas na opisyal sa Palasyo, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mabibigyang linaw na ang kontrobersyal na pagkawala ng 34 na sabungerong magkakahiwalay na dinukot sa Maynila, Bulacan, Laguna, Batangas at Rizal.
Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group, may kakapasok lang na lead na posible anilang magbigay daan para matunton ang mga pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong nasa likod ng pagdukot sa mga sabungerong ayon sa paunang imbestigasyon ay pawang sangkot sa game-fixing.
Dagdag pa ng CIDG, mas malinaw na rin ang motibo sa likod ng magkakahiwalay na pagdukot sa mga 34 kataong nawala pagkagaling sa sabungang pinagdarausan ng mga talpakang tampok sa e-sabong.
Gayundin ang paniwala ni PNP chief General Dionardo Carlos, kasunod ng pagdalo sa isang pulong na ipinatawag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Tumanggi naman ang CIDG at ang PNP chief na palawigin pa ang detalyeng ibinahagi sa media. Gayunpaman, siniguro ni Carlos na “maganda” na ang itinatakbo ng kanilang malalimang imbestigasyon.
Samantala, hindi pa rin makapagsampa ng kaso sa piskalya ang CIDG laban sa mga security personnel ng Manila Arena kung saan hagip ng CCTV camera ang mga huling sandali ng anim sa 34 na nawawalang sabungero.
Paliwanag ni PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Roderick Alba, pinupursige ng CIDG ang imbestigasyon at pangangalap ng mga karagdagang ebidensyang tutukoy sa mga salarin at motibo sa likod ng kabi-kabilang pagdukot ng mga sabungerong pinaniniwalaang sangkot sa isang modus – pagbibitaw ng mga tsopeng manok, sabay pusta ng malaki sa kabila. (JESSE KABEL)
300 