MAGANDANG araw mga ka-Saksi, ito na naman ang mga reklamo na natanggap natin mula sa ating OFW advocates sa Middle East.
Nanawagan si kabayaning Mary Jane D. Bayona, 34-anyos, isang domestic helper sa Saudi Arabia.
Nai-deploy siya ng Job Asia Management Service na may tanggapan sa West Ave. Quezon City noong Feb. 10, 2020 at natapos ang kontrata noong Feb. 10, 2022.
Nakilala ang kanyang amo na si Nada Yousef Omar Nabrawi ng Khamis Mushait, Abha, Saudi Arabia.
Ang kanyang foreign recruitment agency ay ang Kaseb for Recruitment Office.
Ang hiling ni kabayaning Mary Jane ay ang ma-rescue siya sa kanyang malupit na amo at makauwi nang ligtas sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Nagreklamo rin si kabayaning Carmina Gutierrez Dequito na sobrang trabaho o overworked siya bukod pa sa kinuha ng kanyang amo ang cellphone n’ya.
Labag po sa labor agreement ng Pilipinas at Saudi Arabian government ang pagkuha sa mga pasaporte at komunikasyon ng mga OFW.
Si OFW Carmina ay dumating sa Al-Nagah Alshuhda Aldamam, Saudi Arabia noong February 10, 2021 at na-deploy ng Technilink Philippine Corp. na nakabase sa Manila.
Ang foreign recruitment agency niya ay ang Saraya Alriyadh Recruitment Office at ang kanyang amo ay si Nora Abdel Wahab Abdel Karim Al-Khamis.
Sa report ng ating advocate, matagal nang gustong umalis ni kabayaning Carmina dahil sa tinatakot siya ng amo at overworked o walang pahinga dahil gigising sila ng 4 am at matatapos ang trabaho ng 12 ng hatinggabi.
Sobrang payat na rin ng ating kababayan dahil hindi siya pinapakain nang maayos at ‘di rin niya kaya ang trabaho at higit sa lahat pinagbabawalan din siyang magpadala ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
Naidulog na po natin ang mga kasong ito kay AKOOFW party-list 1st nominee at dating OWWA board of trustee Dok Chie Umandap para sa kagyat na aksyon.
Abangan ang agarang aksyon ng OWWA at POLO sa kaso ng ating dalawang kababayan.
Good News!
Nadagdagan pa ang mga kabayani nating nakauwi na sa bansa, kabilang na ang 54 na Filipino seafarers na dumating nitong Lunes.
Mula noong Feb. 27, mahigit sa 200 seafarers na ang nakauwi sa bansa.
May inaasahan pang 14 mga tripulanteng Pinoy ang darating bukas mula sa Moldova.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DFA sa Moldova para mapauwi ang iba pang mga seafarer mula sa Ukraine. Nasa 22 barko ang mino-monitor ng DFA.
Para sa inyong mga reklamo, reaksyon, suhestyon at opinyon, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com
217 