NAGKAROON ng brain injury ang isang 34-anyos na kawani ng gobyerno makaraang mabundol ng bisikleta habang nakatayo at nag-aabang ng masasakyan sa Quiapo, Manila, iniulat ng pulisya.
Kinilala ang biktimang si Ramon Kristofer Carrasco, binata, ng Zapote, Las Piñas City.
Samantala, nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury si Jhamie Aizceth Castro, 18, estudyante, ng N. Zamora St., Pandacan.
Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bandang alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Northbound Lane ng Quezon Boulevard, malapit sa Globo De Oro St. sa Quiapo.
Ayon sa kuha ng CCTV sa Brgy. 384, Zone 39, sa ilalim ni Punong Barangay Khalil Fundoma, paparating si Castro nang mawalan ng kontrol sa bisikleta.
Inakala umano nito na ang biktima ang iiwas ngunit natumbok ito at tumama ang ulo sa sementadong kalsada.
Mabilis namang naisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima ngunit ayon sa pagsusuri ni Dr. Van Battad, neuro surgeon, dumanas ng brain injury ang biktima kaya isinailalim ito sa operasyon. (RENE CRISOSTOMO)
224
