CLICKBAIT ni jO BARLIZO
NAMUMURO na ang pagbabalik-bansa ni Zaldy Co. Marami ang tila nae-excite lalo na ang mga miron na handa nang bumili ng isang drum na popcorn.
Pero ang tanong, sa kanyang pagbabalik ay ano kaya ang magiging linyahan ng dating kongresista? Pangangatawanan ba niya ang kanyang mga alegasyon sa kanyang ‘video series’ o babago siya ng linya? May mga naniniwala kasi na may mangyayaring laban-bawi.
Anong ‘totoo’ ang kanyang pangangatawanan at ibibida sa publiko? Abangan natin ‘yan.
o0o
Habang wala pa si Zaldy Co, dito muna tayo sa mga problemang kasalukuyang hinaharap ng bawat Pinoy.
Pansin n’yo rin ba na sa Pilipinas, ang hirap maging middle class? Ang middle class ang gulugod ng bansa, ang nagbabayad ng pinakamalaking parte ng buwis, ngunit pagdating sa tulong ng gobyerno ay hindi kasama o kaya ay nasa puwitan ng prayoridad.
Ang daming naghihirap, kasama ang gitnang uri, lalo ngayong may sigalot sa Middle East.
Kaya ang tingin ng iba sa middle class ay bagong maralita.
Isipin mo nga naman, habang bayad ka nang bayad ng buwis ay tumataas din ang presyo ng mga bilihin, ngunit nakapako ang suweldo.
Nakaiinsulto ring isipin na tinatanggap mo ang ipinagpipilitang mga dagdag buwis pero ‘pag may krisis ay wala kang tulong na maaasahan sa pamahalaan.
Dagdag hapdi sa kirot ay ang makita mong ang perang ambag mo sa kaban ng bayan ay bulsa ng iba ang napupuntahan.
Ang saklap.
Teka, kasama naman pala sa cash relief ang middle class at minimum wage earner.
Kahit na prayoridad ang mga public utility driver, ang ibang bulnerableng sektor na apektado ng krisis sa langis – kabilang ang mula sa middle class at sumasahod ng minimum – sa makakukuha ng ayudang pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program ng DSWD.
‘Yan ang sabi.
Malinaw na hindi limitado sa mga driver ang ayuda pero sa ngayon, abangerz muna.
Ang cash assistance na ipinamamahagi ng DSWD ay isang interbensyon sa panlipunang proteksyon o para sa seguridad at kaligtasan ng mamamayan. Kaya bilang bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation, ang lahat ng indibidwal na mahirap o nasa gitnang uri ay may akses sa programa.
Ayan, abang na lang tayo sa kahihinatnan. Baka nga nakita na rin ng gobyerno ang katayuan ng middle class at tratuhin na nang patas.
Sana nga ay hindi na umabot sa nakadidismayang kondisyon na ang sektor na nagpapatatag ng sosyedad ay dumausdos sa kahirapan.
80 