‘DI BALIMBING SI ISKO, NAGTATRABAHO LANG!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA pulitika ng Pilipinas, mabilis ang bansag. Isang araw, kakampi, kinabukasan, “balimbing.” Kapag hindi ka nila kontrolado, sisirain ka. Ganito ang ibinabato ngayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso. Pero kung susuriin, mas madali kasing magbintang kaysa umintindi.

Tapos na ang eleksyon. Serbisyo ang tunay na laban ngayon.

Para kay Yorme, simple lang: Batang Maynila muna bago pulitika.

Kung may tulong mang dumarating mula sa pambansang pamahalaan, hindi ito utang na loob o kulay pulitika. Bunga ito ng kakayahan, pakikipagtrabaho, at pakikipag-ugnayan, na isang praktikal na pamamahala.

Kaya nang ipagtanggol niya si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., laban sa mga paratang ng korupsyon, hindi ito pagsipsip o pagpanig. Paninindigan ito sa prinsipyo: ebidensya muna bago akusasyon.

“Tsismis,” ani Isko. “At sa totoo lang, maraming usapin sa pulitika ang ganyan: maingay, pero hungkag.”

Sa panahon ng social media, madali ang “guilt by association.” Pero gaya ng punto ni Isko, hindi sapat ang litrato, koneksyon, o tsika para hatulan ang isang tao. May proseso. May batas. At may mga institusyong dapat gumana, at hindi ang trial by publicity.

Kung seryoso tayo sa laban kontra korupsyon, dapat mas seryoso tayo sa katotohanan.

***

ALKALDENG ‘DI NAGING PANGULO

May mga lider na hindi naabot ang Malacañang, pero nananatiling alamat. Isa na rito si Arsenio Lacson, ang alkalde na para sa marami, “best president we never had.”

Noong dekada ’50, ibang klase ang Maynila, hitik ito sa krimen, kalat ang katiwalian. Pero sa gitna ng kaguluhan, may isang lider na hindi umatras.

Diretso. Walang paligoy-ligoy. Kung may mali, ayusin. Kung may lumalabag, panagutin. Ito ang tinuran ni Lacson.

Hindi dekorasyon ang batas para kay Lacson, ipinatutupad ito.

Ngunit hindi lang sa tapang ang tunay niyang lakas. Nasa disiplina at dignidad ng pamamahala. Sa ilalim niya, naging mas maayos ang lungsod, mas may kumpiyansa ang tao sa gobyerno.

Kaya hanggang ngayon, kinukumpara siya sa mga lider na puro salita.

“Best president we never had.”

Masakit pakinggan, lalo na kung ikukumpara sa kasalukuyan.

Pero mas masakit ang katotohanan: kulang tayo sa ganung klaseng lider.

At parang sinadya ng tadhana, maagang nawala.

Abril 15, 1962, natagpuan siyang naghihingalo sa isang silid ng hotel. Ilang sandali lang, idineklara siyang wala na.

Sinabing ang sanhi ng pagkamatay nito coronary thrombosis sa edad na 49-taong gulang.

Masyadong maaga ang kanyang naging pagpanaw.

Dahil dito, hindi nawala ang mga haka-haka. Pero sa kabila ng mga tanong, isang bagay ang malinaw: hindi nasukat ang pamana ni Lacson sa haba ng panunungkulan, kundi sa tindi ng kanyang paninindigan.

Sa panahong gutom ang publiko sa tunay na lider, paalala ang kanyang alaala, posible ang matapang, tapat, at diretso na pamumuno.

***

TAPOS NA ANG TAGUAN

Ito ang mensahe ng Malacañang: tapos na ang taguan.

Inutusan ni PBBM ang gobyerno na ibalik sa bansa si Zaldy Co mula sa Czech Republic.

Hindi ito madalian. May proseso. May batas na sinusunod sa pagitan ng mga bansa.

At iyon ang mahalagang punto, hindi shortcut ang hustisya.

Sa panahon na uso ang mabilisang hatol sa social media, kailangang manatiling maingat ang estado, legal, at patas. Hindi ito palabas, sistema ito.

“We will bring him home,” ani ng Pangulo.

Hindi bilang paghihiganti, kundi bilang pagpapanagot.

Pero malinaw ang dulo: uuwi ka, at haharap ka.

Hindi puwedeng habang ang ordinaryong Pilipino ay sumasagot sa batas, nagtatago sa ibang bansa ang may pangalan at koneksyon.

Sa huli, hindi nasusukat ang tunay na lakas ng isang gobyerno sa ingay ng pahayag, kundi sa kakayahang panindigan ang batas, kahit gaano katagal ang proseso.

Hindi ito palabas.

Hindi ito press release.

Mensahe ito na, may katapusan ang pagtakbo.

At sa huli, hindi mo matatakasan ang sarili mong kaso.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

90

Related posts

Leave a Comment