SA hudyat ng pagsisimula ng kampanya sa hanay ng mga kandidatong puntirya ang iba’t ibang local elective post, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahandaan kasabay ng anunsyo sa inilatag na planong hangad ay masiguro ang isang maayos ay mapayapang halalan sa Mayo.
“It’s all systems go,” ani PNP chief General Dionardo Carlos.
Aniya, kasado na ang kanilang security plan laban sa magtatangkang manggulo sa panahon ng kampanya sa antas ng lokal na posisyon. Nakatutok na rin aniya ang PNP sa bantang posibleng idulot ng mga private armies.
Kamakailan lang, nagpulong ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) kung saan tinukoy ang mga lugar na pasok sa kategoryang hotspots.
Bahagi rin ng nasabing pagpupulong ang pagbalangkas ng mga security measures sakaling sumiklab ang karahasan sa pagitan ng nagsasalpukang political clans sa mga malalayong lalawigan.
Pagtitiyak pa ng PNP chief, binabantayan na rin nila – katuwang ang AFP – ang mga pulitikong pinaniniwalaang may mga sariling private army.
Kabilang sa mga lugar na napaulat na pinamamahayan ng mga private army ang mga lalawigang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at ilang lugar sa Luzon at Visayas.
Nakahanda na rin aniya ang PNP na saklolohan ang mga pulitikong may banta, o naiipit sa isang lugar kung saan may mahigpit na tunggalian at bakas ng karahasan. Gayunpaman, kailangan muna dumaan sa kanilang threat assessment ang mga idinudulog na saklolo.
Pagtitiyak pa ni Carlos, ide-deploy nila ang kanilang mga tao bago pa man sumapit ang takdang araw na hudyat ng umpisa ng local campaign. (JESSE KABEL)
290
