Ibinenta ng ina sa Facebook SANGGOL NASAGIP NG NBI SA LAGUNA

NASAGIP sa follow-up operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ang isang sanggol na ibinenta ng kanyang ina sa halagang P45,000 sa isang babae at nobyo nitong Nigerian national na nakilala umano nito sa Facebook, sa Sta. Cruz, Laguna, iniulat ng NBI.

Kinilala ni NBI OIC-Director Eric B. Distor ang mga nadakip na sina Imelda Mabiliran at live-in partner nitong si Maxwell Ifeanyi Bright Okoro.

Base sa ulat ng NBI, nakilala ng ina ng biktima ang mga suspek sa isang Facebook group na may pangalang “Bahay Ampunan” kung saan nag-umpisa ang transaksyon nila hanggang sa maibenta ang kanyang walong buwang gulang sanggol na babae sa halagang P45,000 sa isang restaurant sa Quezon City noong Marso 3.

Nang malaman ng ina na ilegal ang pagbebenta ng sanggol, tinangka niyang habulin ang mga suspek ngunit blinock na siya sa Facebook at messenger.

Noong Marso 22, dumulog ang ina sa NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) na agad nagkasa ng imbestigasyon.

Natukoy ang kinaroroonan nina Mabiliran at Okoro kaya agad na nagkasa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa habang sakay ng isang itim na SUV sa Sta. Cruz, Laguna at narekober nang ligtas ang sanggol.

Patung-patong na mga kasong paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law), RA 10175 (Anti-Cybercrime Law), RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), Kidnapping at Serious Illegal Detention ang isinampa sa dalawang suspek sa Department of Justice (DOJ). (RENE CRISOSTOMO)

223

Related posts

Leave a Comment