Trahedya sa bday celebration 1 PATAY, 8 SUGATAN SA SUMABOG NA LPG TANK

HINDI na naisalba ang buhay ng isang 23-anyos na binata sa Tondo Medical Center habang walo ang nasa malubhang kalagayan makaraang  sumabog ang isang liquefied petroleum gas (LPG) tank habang masayang nagdiriwang ng kaarawan sa Tondo, Manila noong Linggo ng hapon.

Ang biktimang si Angelito Carlito y Catabay, binata, construction worker at residente ng Vitas, Tondo, ay namatay nitong Martes ng umaga habang inoobserbahan sa Tondo Medical Center.

Dalawa pang kasamahan ng biktima ang inoobserbahan sa naturang pagamutan.

Anim naman ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center kabilang ang isang 8-anyos na batang babae.

Batay sa ulat ni Det. Sir Christian Joseph Pineda na isinumite kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-1:30 ng hapon noong Linggo nang mangyari ang insidente sa Blk. 3, Unit 321 sa Vitas St. sa Tondo.

Habang masayang nagdiriwang ng kaarawan sa nasabing bahay nang bigla umanong sumabog ang isang LPG tank.

Agad namang nagresponde si Fire Inspector Ronald Lim ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection at inimbestigahan ang insidente. (RENE CRISOSTOMO)

109

Related posts

Leave a Comment