MAY bagong sistema na sa recruitment ng Philippine National Police (PNP) dahil lahat ng mga aplikante ay meron nang QR code para maiwasan ang palakasan sa pagpasok sa pambansang pulisya.
Hindi tulad noon na kapag may kakilalang mataas na opisyal kahit hindi kuwalipikado ay nakapapasok sa PNP, kaya magandang hakbang ito para maibalik ang tiwala ng publiko sa mga pulis.
Ang problema lang ngayon ng Pambansang Pulisya ay ‘yung mga naunang nakapasok na hindi kuwalipikado kaya marami pa ring bugok sa kanilang organisasyon at ‘yun ang nagpapahirap sa public relation (PR) ng PNP.
Tulad na lamang ‘yung mga pulis Caloocan na nanakit sa isang vendor na biglang sinita habang papunta sa isang fastfood chain para ibili ng pagkain ang kanyang apat na anak.
Inakusahan ang mga pulis na ito na kinuha ang pera ng mama na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na P14,000. Itinatanggi nila ito pero inamin nila na sinaktan nila ang biktima.
Ang daming nanggigil sa insidenteng ito dahil ang trabaho ng pulis ay proteksyunan ang mga tao pero sila pa ang mananakit nang walang kadahi-dahilan kaya nasisira ang organisasyon.
Buti na lang at may CCTV at nakita kung papaano inabuso ng mga pulis ang mama na nag-iisang bumubuhay sa kanyang apat na anak dahil kamamatay lang ng kanyang asawa. Sana mabigyan siya ng katarungan.
Malamang ang mga pulis na ito ay na-recruit bago pa man naipatupad ang QR code sa mga aplikante. Pero bigyan natin sila ng ‘benefit of the doubt’.
Bukod sa kanila, kaliwa’t kanan din ang mga report na may mga pulis na nasasangkot sa pagnanakaw tulad ng mga pulis Pampanga na nakatakdang sibakin sa pagkapulis.
Ang problema, ang ganitong uri ng pang-aabuso ng mga pulis sa mga sibilyan ay sumisira sa imahe ng pambansang pulisya na binubuo ng 220,000. Alam natin na nagsisikap ang PNP na maibalik ang tiwala ng publiko sa kanila pero sa ganitong mga pangyayari ay parang mahihirapan sila sa PR.
Kailangan ng mga pulis ang sibilyan para sa kanilang trabaho pero kung may takot ang mga tao sa kanila, paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang trabaho dahil sa iilang bugok sa kanilang organisasyon?
Siguro dapat magkaroon ng PR class ang mga pulis para maturuan sila kung papaano mag-PR at hindi sila katatakutan ng mga tao dahil sa ngayon, marami pa ring pulis na nagsisiga-sigaan.
May mga pulis na kapag may lumapit sa kanila na tao na hindi nila kilala, ang angas nila kaya naiilang ang mga tao sa kanila. Hindi naman lahat, mas marami pa rin ang madaling lapitan at maayos na kausap pero may mga siga talaga na kabilang sa sumisira sa imahe ng PNP.
Eto ang isa sa mga dapat itama ng PNP hierarchy para maibalik talaga ang tiwala ng mga tao sa PNP pero hangga’t hindi ‘yan gagawin, maiilang at maiilang ang mga sibilyan sa kanila imbes na sila ay tulungan sa kanilang trabaho.
Pero saludo ako sa hierarchy dahil hindi nila kinukunsinti ang mga abusadong pulis at sinisibak nila ang mga ito sa kanilang trabaho. Dapat lang.
