MATAPOS ang dalawang bigong tangkang pagdidispatsa, nakatakdang isubasta ng Bureau of Customs (BOC) sa ikatlong pagkakataon ang isa sa mahabang talaan ng mga mamahaling sasakyang nasabat ng ahensya.
Target ng BOC na makalikom ng hindi bababa sa P4.7 milyon sa public auction kung saan tampok ang isang brand new Mercedes Benz G500 na nasabat ng ahensya taong 2020.
Sa hudyat ng Port of Manila, gaganapin ang aktuwal na pagsusumite ng bid price sa Miyerkules (Abril 27) sa tanggapan ng Bureau of Treasury (BTr) sa lungsod ng Maynila. Kabilang naman sa
mangangasiwa sa isasagawang public auction ang mga kinatawan mula sa BOC, BTr at Land Bank of the Philippines (Landbank).
Kasalukuyang nasa pag-iingat ng Asian Terminals, Inc.
sa South Harbor sa Maynila ang isusubastang itim na Mercedes Benz G-Class SUV.
Buwan ng Disyembre ng nakaraang taon at Enero 2020 nang tangkaing idispatsa ng ahensya ang limang kumpiskadong luxury vehicles sa layong makalikom ng P29 milyon. Gayunpaman, walang lumahok na bidder – dahilan para magdeklara ang kawanihan ng “failure of bidding.”
Kabilang sa mga nais gawing pera ng BOC ang isang 2008 Ferrari Scuderia 430 (P23.2M), isang 2001 Porsche Boxster (P1.79M), at ang tatlong Mercedes Benz— 2011 E220 (P1.5M), 2001 SLK55 (P1.3M) at 2001 SLK350 (P1.2M).
Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat ng sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya.
Paglilinaw naman ni Finance Sec. Carlos Dominguez, winasak ng gobyerno ang mga smuggled luxury cars noong mga nakalipas na taon bilang babala at pahiwatig na seryoso
ang administrasyong Duterte na wakasan ang smuggling sa bansa.
Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na posibleng mauwi pa rin sa pagkawasak ang mga naturang luxury cars na isinusubasta ng BOC kung sadyang hindi magawang ibenta ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan.
