NAGBIGAY ng kanyang sworn statement ang isa pang dating Pharmally Pharmaceutical Corporation (PPC) warehouse staff na naglalahad ng ginawa umanong panunuhol at pagbabanta sa kanya ng kampo ni Senator Risa Hontiveros sa pamamagitan ng abogado nito na si Atty. Jaye Bekema kaugnay ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon sa testigong si Mark Clarence Manalo, nagdesisyon siyang magbigay ng sworn statement dahil patuloy siyang nakatatanggap ng pananakot gaya ng nakikitang mga sasakyan at motorsiklo na umaaligid sa kanilang bahay at ilang report ng kanyang mga kapitbahay na may mga lalaking naghahanap sa kanyang kapatid na si Veejay – ang testigo ni Hontiveros sa Senate hearing kaugnay sa anomalya sa pagbili ng pandemic materials ng PPC subalit kalaunan ay binawi ang kanyang testimonya at sinabing pinilit at sinuhulan lamang siya.
Aminado si Manalo na bagamat noong nakaraang taon pa natapos ang pagdinig ng Senado sa PPC ay natatakot pa rin siya sa kaligtasan niya at ng kanyang kapatid lalo pa at nakabinbin sa Office of the Ombudsman ang inihain nitong kasong conspiring to commit sedition, subornation of perjury, offering false evidence, paglabag sa code of conduct laban kay Hontiveros at mga staff nito.
Una nang inamin ni Manalo na si Veejay ang unang nilapitan ni Atty. Bekema at ang driver umano ni Hontiveros na si Ryan Lazo. Nakita umano niya ang P20,000 bribe money na inabot sa kanyang kapatid at pagkaraan nito ay nagpaalam ang kapatid na aalis at pansamantalang tutuloy sa isang safehouse.
Ikinagulat na lamang niya ang sumunod na pangyayari dahil nasa telebisyon na si Veejay at nag-aakusa sa PPC. Sinabi ni Manalo na bilang warehouse staff din ng PPC ay alam niyang pawang walang katotohanan ang isiniwalat ng kapatid sa pagdinig ng Senado kaya naman napilitan siyang magtungo sa Citizens Crime Watch (CCW) para itanggi ang mga nasabi ng kapatid.
Ani Manalo, noong Oktubre ay umamin ang kanyang kapatid sa kanilang pamilya na tinanggap nya ang suhol para na rin sa 4 taong gulang na anak na may sakit, kalaunan ay maging siya ay tinangka umanong suhulan subalit tumanggi siya na dahilan kung bakit siya naghain ng kaso laban sa kampo ni Hontiveros sa Ombudsman noong Nobyembre 2021.
Inamin nito na mula Enero ngayong taon ay marami pa ring scare tactics ang ginagawa sa kanilang pamilya kasunod ng pilit nilang pagtanggi sa pakiusap ni Atty. Bekema na iwithdraw nila ang kanilang inihaing kaso.
“.. sa pag uusap namin ni Atty. Bekema sinabi nyang nagsampa na sila ng kaso laban kay Veejay at kung hindi ko babawiin ang aking salaysay ay magsasampa na rin sila ng kaso sa akin, noong tanggihan ko ang pakiusap nila ay hindi pa rin sila tumigil, bumalik ang lahat ng aking pangamba at takot,” nakasaad sa kanyang salaysay.
Sinabi ni Manalo na ang kanyang pagbibigay salaysay ay para ipaalam ang nangyayari at bilang proteksyon na rin sa sarili sakaling mayroong mangyari sa kanya. (ABBY MENDOZA)
