Ilang preso tuloy sa ilegal na gawain PRISON PROTOCOLS PINAREREBISA

MATAPOS mabiktima ng isang nakakulong na miyembro ng sindikato, kumbinsido ang tumatayong tagapagsalita ni incoming President Ferdinand Marcos Jr., na napapanahon nang rebisahin ang umiiral na protocols sa mga piitan sa bansa.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tila masyadong maluwag patakaran ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) matapos matunton ng mga operatiba sa loob ng selda ang isang online scammer na gumagamit ng iba’t ibang identity ng mga kilalang personalidad .
Aniya, “in flagrante delicto” – of huli sa akto sa loob ng New Bilibid Prison ang suspek habang tangan ang mobile phones na umano’y ginagamit sa modus.

Sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), nagpanggap ang suspek bilang si Rodriguez sa social media kung saan umano ito nangingilak ng pondo.

“I was told na nasa maximum detention facility (BJMP-NCR ) pa yung tao,” sambit pa ng de kampanilyang abogado.

“Kahit na nasa maximum detention facility na ay nakakalusot pa rin ang mga telepono, ang mga gadgets so may malaking pagkukulang ang BJMP at yan ay dapat pagtuunan ng kasalukuyang pamahalaan,” hirit pa ni Rodriguez.

Paniwala pa ng tagapagsalita ni Marcos, posibleng may mga tiwaling opisyal o kawani ng BJMP at BuCor ang nakikipagsabwatan sa mga sindikato sa likod ng laganap na online scams.

Timbog sa NBI – Special Action Unit sa NBP facility si Ryan Ace Castillejos na diumano’y nagpapanggap bilang “Atty. Vic Rodriguez.”

Una nang idinulog ni Rodriguez sa NBI ang pamamayagpag ng ilang mga gumagamit ng kanyang pangalan at larawan sa mga pekeng Facebook accounts. Dagdag pa niya, marami sa kanyang mga personal na kakilala ang nabiktima ni Castillejos – kabilang si anti-crime advocate Arsenio “Boy” Evangelista na nakuhanan ng tumataginting na P120,000. (JESSE KABEL)

244

Related posts

Leave a Comment