HANDA na ang dalawang kapulungan ng Kongreso na simulan ang canvassing ngayong naihatid na sa Batasan Pambansa ang mga ballot box na naglalaman ng Certificates of Canvass (COCs) para sa presidential at vice presidential candidates sa katatapos na halalan.
Upang mapabilis ang canvassing, plano ng liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na magtrabaho ng 24 oras kada araw.
Pasado alas-singko ng umaga nang ihatid ng convoy ng military trucks ang mga ballot box na unang inilagak sa Senado. Kasunod nito ang pinaigting na seguridad sa loob at labas ng mababang kapulungan.
Personal na tinanggap ni House Sgt-at-arms ret. BGen. Rodelio Jocson ang mga ballot box mula kay Senate Sgt-at-arms ret. MGen. Rene Samonte at matapos inspeksyunin ay inilagay ito sa secured area.
Umaabot sa 167 COCs at 441 election returns (ERs) ang inihatid sakay ng 11 military trucks.
Kahapon ay pormal na nagbalik session ang dalawang kapulungan at ngayong araw, Martes, ay iko-convene na ang Joint Session at maging ang National Board of Canvasser (NBOC).
Tatayong presiding officer sa Joint session sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco.
Pormal na sisimulan ang canvassing sa Miyerkoles mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi at target itong tapusin sa loob ng dalawang araw o hanggang Huwebes.
Base sa partial at unofficial result ng Commission on Elections (Comelec), sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte ang nanalong pangulo at pangalawang pangulo sa nakaraang eleksyon.
Nakakuha si Marcos ng 31,104,175 boto habang 31,561,948 boto naman ang nakuha ni Duterte at inaasahan na ipoproklama ang mga ito sa Biyernes, Mayo 27.
“We are bound to proclaim the winning President and Vice President, and uphold the will of the people with dispatch,” ayon pa kay Velasco.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kakayanin na 24-oras gawin ang canvassing.
“Dere-derecho na yung session natin. Pag-start….. wala ng suspension ng session. Yan ang napag-usapan the other day of both Houses,” pahayag ni Mendoza.
Ang bawat kapulungan ay nagtalaga ng tig-7 miyembro ng NBOC bukod sa apat na alternate members kaya pwede umanong magtrabaho ang mga ito ng 24 oras.
Kaugnay nito, binalaan ng pulisya ang mga nagpaplanong sabayan ng protesta o anomang programa ang gagawing canvassing.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge, Lieutenant General Vicente Danao Jr., dapat isagawa ang rally o protesta sa tamang lugar.
Pinaalalahanan din niya ang mga tauhan na pairalin ang maximum tolerance sa pagharap sa mga magra-rally.
Umapela rin si Danao sa mga sasama sa rally na maging kalmado at iwasan ang pagdaraos ng programa sa mga ipinagbabawal na lugar lalo na sa canvassing area.
(BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)
220 