AMININ man o hindi ng Department of Health (DOH), higit na mataas ang antas ng banta sa kalusugan ng mamamayan bunsod nang muling pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bagong anyong tinawag ng mga siyentipiko bilang Omicron subvariants BA.2.12, BA.2,12.1, at BA.4.
Sa datos ng DOH mula Mayo 18 hanggang 22, lumabas ang mabilis na pagdami ng naitatalang mga positibo. Mula sa 103 kumpirmadong kaso noong Mayo 18, pumalo na ito sa 246 noong Mayo 21.
Ang totoo, buwan pa ng Abril nang maglabas ng babala ang mga eksperto sa nagbabadyang pagdami ng mga kaso ng nakamamatay na karamdamang bunsod ng kabi-kabilang paglabag sa itinakdang minimum public health and safety protocol sa mainit na kampanya ng mga kandidatong lumahok sa 2022 national and local elections.
Higit pa sa hawaang naganap noong panahon ng kampanya ang nagbabadyang peligrong dala ng tatlong bagong Omicron sub variants na inilarawang mas mabagsik kumpara sa naunang COVID-19 mutated strains.
Kung pagbabatayan ang paunang resulta ng pag-aaral ng mga eksperto, lumalabas na walang panama ang mga bakuna kontra COVID-19 na pinagkagastusan ng daan-daang bilyong pondong inutang pa ng gobyerno sa iba’t ibang financial institutions.
Sa pagtataya ng mga dalubhasa mula sa isang public health research institution, hindi maiiwasan ang panibagong COVID surge. Ang palaisipan na lamang anila ay kung gaano katindi ang makikitang pagsipa ng mga kumpirmadong kaso, kasabay ng panawagang mahigpit na pagpapairal ng minimum public health and safety protocols, at puspusang pagtuturok ng booster shots.
Bukod sa naturang mga hakbang, wala nang iba pang pwedeng gawin ang gobyerno kundi maging listo at maagap sa tuwing may tatamaan ng alinman sa tatlong Omicron sub variants na pumasok na sa ating bansa.
Ayon kay Dr. John Wong ng Epimetrics, depende sa variant at panahon ang antas ng inaasahang COVID surge sa bansa — “Subvariants are more transmissible. Vaccination is only slightly higher than in January. The rainy season will drive more people indoors. But behavior and ventilation are unknown.”
Mas nakahahawa ba kamo? Ayon sa mga dalubhasa ng World Health Organization (WHO), 27% na mas mabagsik ang Omicron subvariants BA.2.12, BA.2.12.1 at BA.4 na mayroong 17 kumpirmadong local transmissions mula sa mga rehiyon ng Western Visayas at Metro Manila. May kakayahan din anilang tumama ang naturang sub variants maging sa mga taong bakunado.
Ang tanong – handa ba tayo sa panibagong COVID surge? May sapat pa ba tayong healthcare workers na tutugon sa hamon? May pera pa ba ang gobyerno?
194 