DEVANADERA, SINOPLA NI SALCEDA

PUNA Ni JOEL AMONGO

SA gitna ng krisis sa enerhiya, higit na angkop para sa Department of Energy (DOE) ang isang kalihim na hindi ignorante sa mga batas na may kaugnayan sa kuryente at langis.

Tumbukin na natin! Hindi ko kasi inaasahang sa bibig pa ni Energy Regulation Commission (ERC) chairperson Agnes Devanadera magmumula ang giit na pagbasura ng value added tax sa kuryente – nang ‘di na kailangan pa ang anumang batas.

Ang totoo, pasakit sa mga ordinaryong Pinoy ang mataas na buwanang singil sa kuryente. Dapat lang naman gawan ng paraan ng pamahalaan na pababain ang presyong ipinatutupad ng mga pribadong kumpanyang gaya ng Meralco.

Ani Devanadera na ­dating Justice secretary sa administrasyon ni GMA, ‘di na kailangan ang Kongreso para ibasura ang VAT sa power generation. Hindi ako isang abogado at ‘di naman kailangan maging abogado para maunawaang Kongreso lang ang pwedeng gumawa ng batas.

Katunayan, ang mismong may akda ng Republic Act 10963 (Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law) ang mismong kumapon sa giit ng GMA appointee. Ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson Joey Salceda, gawa ng Kongreso ang VAT, kaya Kongreso rin lang ang pwedeng magbasura o magrebisa sa tax law.

Walang panama ang isang reglamentong taliwas sa batas na binalangkas ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo.

At heto pa, mali rin aniya ang intindi ni Atty. ­Devanadera sa usaping double taxation sa VAT na ipinapataw sa ­generation charge at distribution charge. Sa tono ni Congressman Salceda, mukhang salat ang kaalaman ng ERC chairperson sa batas na may kaugnayan sa enerhiya. Ang masaklap, tila target pa niyang pumuwesto bilang kalihim ng Department of Energy na bahagi ng
Economic Team ng susunod na pangulo. Nakupu!

Tama si Salceda, dapat walang pinapaboran ang VAT. Kung papatawan mo ng buwis ang pandesal na paborito ng isang simpleng pamilya, bakit ‘di mo rin patawan ng buwis ang mga negosyanteng gumagawa ng harina at lebadurang sangkap sa tinapay?

Maraming paraan para pababain ang electricity rate nang hindi masasagasaan ang mga programa ng pamahalaan para sa mamamayan.

Mas angkop kung pag-aaralan muna niyang mabuti ang mga batas hinggil sa enerhiya para naman hindi siya nagmumukhang eng-eng.

Pero teka, ano ba nagawa niya bilang ERC chair? Meron naman – ang isulong ang interes ng taong nagluklok sa kanya sa pwesto, protektahan ang Aboitiz Power at pahintulutan ang walang puknat na dagdag singil ng power distribution companies sa mga konsyumer – bagay na ginawa na ng mga tulad nina Mikey Arroyo at ni ­outgoing Energy Secretary Al Cusi.

Sa dinaranas na problema ng bansa, hindi kailangan ang isang hilaw sa pag-unawa sa mandato ng target niyang ahensya.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 09777511840.

165

Related posts

Leave a Comment