SEAG GOLD MEDALIST BIKTIMA NG PULITIKA?

SUMAMBULAT sa galit ang ina ni swimmer Chloe Kennedy Anne Isleta, makaraang alisin ang 200-meter backstroke gold medalist sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa listahan ng mga sasabak sa FINA World Championships sa Budapest.

Himutok ni Cecille Doromal Waller, simula nang ang kanyang anak na si Isleta ay naging ­miyembro ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) noong 2015, hindi ito nakakuha ng allowance mula sa national sports agency.

Kaya galit sa social media post niya: “My daughter has been with PSI since 2015!!! Up to now, ni singkong duling wala pang allowance na natatanggap mula sa PSC! POC! Bakit???”

Labis pang ikinasasama ng loob ni Doromal-Waller, sa kabila ng mga karangalang naiuwi ng anak mula sa katatapos lang na SEA Games, isama pa ang dalawang silver at isang bronze finish sa nakaraang edisyon, hindi pa rin siya nabibigyan ng insentibo, ‘di tulad ng ibang national athletes.

Kaya tanong niya: “Trying to manipulate the line-up because of your “alagas”?…Why don’t you tell us really what is up with Luke Gebbie???”

Naibulsa ng 29-anyos na si Isleta ang gold medal sa 200-meter backstroke sa My Dinh Water Sports Palace sa Hanoi noong Mayo 16. Ito ang unang ginto ng bansa sa swimming sa biennial meet, simula nang magwagi si Akiko Thomson-Guevara sa 100m at 200m backstroke noong 1993 edition sa Singapore.

Hiningan ng reaksyon ang PSI at presidente nitong si Ms. Lailani Velasco hinggil sa mga isiniwalat ni Doromal-Waller at sinabi niyang maglalabas ng opisyal na pahayag ang asosa­syon hinggil dito.

176

Related posts

Leave a Comment