GUANZON AYAW TANTANAN

TILA ayaw tantanan ng kanyang mga kritiko sa Kamara si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon matapos bakbakan ang kanyang panunumpa bilang kinatawan ng P3PWD party-list.

Si Guanzon ay pormal na nanumpa kay Court of Appeals Justice Edwin Sorongon kahapon bilang kinatawan ng party-list organization ng mga people with disabilities (PWD) sa Kamara.

Ang panunumpa ni Guanzon ay ginawa ilang oras bago ibasura ng Comelec ang tangkang pagharang ni National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema sa kanyang substitution.

Sa kabila nito, kinuwestiyon ni Duterte Youth party-list Rep. Marie Cardema ang panunumpa ni Guanzon dahil hindi pa aniya klaro kung may pangalan si Guanzon sa official certificate of nomination ng P3PWD party-list.

Kinuwestiyon din ni Rep. Cardema kung may approving signature ang buong en banc ng Comelec sa nominasyon ni Guanzon at kung naipakita ba ang kopya nito kay Justice Sorongon.

“If none, this is another mockery of the law and of our government institutions,” ayon kay Rep. Cardema.

Magugunita na noong June 14 ay naghain ng substitution si Guanzon sa Comelec para palitan ang 5 nominees ng kanilang organisasyon na inaprubahan umano ng tatlo sa apat na miyembro ng en banc.

Kinabukasan, June 15, ay naghain ng petisyon ang mag-asawang Cardema para harangin ang nominasyon ni Guanzon. (BERNARD TAGUINOD)

153

Related posts

Leave a Comment