PAG-UPA NG PHIL. NAVY NG P1-B KADA TAON SA DATING HANJIN SHIPYARD, BUSISIIN

PALAISIPAN sa mga nag-iisip kung bakit kailangang umupa ng isang bilyong piso (P1-B) kada taon ang Philippine Navy sa dating Hanjin Shipyard sa Subic na ngayon ay tinatawag ng Agila Shipyard.

Ito Ang Totoo: Isang daang (100) hektarya ang uupahan ng Philippine Navy at ang natitirang dalawang-daang (200) hektarya ay uupahan naman ng Vectrus, Inc., isang Defense Contractor ng Estados Unidos (US).

Dati kasi sa ilalim ng Hanjin, may 30,000 manggagawa ang na-empleyo sa paggawa ng mga dambuhalang barko, pero sa Vectrus, Inc., hindi pa masabi kung gaano karami at lalo namang pinagdududahan kung lilikha ng trabaho ang pagpasok ng Phil. Navy.

Ito Ang Totoo: Nilikha ng Republic Act (RA) No. 7227 ang Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) at tagapamahala nitong Subic Bay Metropolitan ­Authority (SBMA) matapos isara ng America ang “Naval Base” nito na noo’y sentro ng hanapbuhay at kalakalan o ekonomiya ng Olongapo at mga karatig lugar sa Central Luzon.

Malinaw sa RA 7227 na ang Subic Freeport ay patatakbuhin ng SBMA para sa kapakanan ng mamamayang negatibong naapektuhan ng pagsasara ng base ng mga Amerikano.
Ito Ang Totoo: Lalabag sa RA 7227 ang pagpasok ng base ng Philippine Navy sa Agila Shipyard sa halip na negosyo ang itatayo rito.

Dagdag pa, napakalaking halaga ang P1-B na itatapon ng Philippine Navy kada taon para sa upa lamang gayong sa ngayon ay libre naman ang paggamit nito sa mga inookupahang espasyo sa ibang bahagi ng Subic Freeport.

Marami palang pera ang ­Philippine Navy eh bakit hindi na lang ito ibili ng karagdagang barko at sandata para sa depensa ng teritoryo ng bansa?

O kaya ipambili ng “fuel” para makapagpatrolya ang mga barko ng bansa sa mga inaagaw ng ­China na Spratlys at ­Scarborough?

Ito ang Totoo: May nagsasabi na kailangan daw kunwari ng Philippine Navy Base pero US Base daw talaga ito at ang iskema ay upang maikutan ang Saligang Batas ng bansa na nagbabawal sa pagkakaroon ng dayuhang base militar saan mang bahagi ng Pilipinas.

Bolahin ninyo ang lelang niyo! Nakakadaong naman ang US Navy vessels sa bansa ano mang oras hindi lamang sa Subic kundi pati sa ibang mga porto ng Pilipinas.

Regular pa rin ang “US Naval Supply Ship” (USNS) vessels na dumadaong para magkarga ng “supplies” kasama na ang krudo para sa mga barko nitong nasa karagatan, partikular sa West Philippines Sea.

Ito ang Totoo: Hindi trabaho ng Philippine Navy ang ­mag-negosyo. Dapat depensa ng bansa ang inaatupag nito, na sa lagay sa West Philippines Sea, ay nagsasabing hindi ito nangyayari.

Mabuti na lang at may bagong administrasyon ng ­pamahalaan na papasok sa susunod na mga araw. Sana, balikan at muling pag-aralan ng paupo nang pangulo ng bansa na si ­Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang ­pagpasok ng Philippine Navy sa dating Hanjin Shipyard sa Subic.

Dapat mapanatili at maipatupad ang layunin ng RA 7227 na ang mamamayan sa paligid ng Subic Bay Freeport – mga taga Olongapo City, Bataan, Zambales, Pampanga at iba pa, ang magbenepisyo. Ito Ang Totoo!

255

Related posts

Leave a Comment