IPRINESENTA noong Huwebes ng gabi nina Governor Daniel Fernando at Bulacan PNP Acting Director Col. Charlie Cabradilla sa mga mamamahayag ang sinasabing suspek sa pagpaslang sa lady engineer na natagpuang naaagnas na sa madamong lugar sa Barangay Tikay, Malolos noong Martes, Hulyo 5.
Ang inarestong person of interest (POI) ay kinilalang si Darwin De Jesus na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan PNP, Malolos City Police at Guiguinto Police sa isang paupahang bahay malapit sa tirahan ng biktimang si Princess Dianne Dayor, 24-anyos, residente ng Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Nauna rito, 48-oras lamang ang ibinigay ni Fernando kay Col. Cabradilla para ma-solve ang Dayor slay case para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.
Ayon kay Cabradilla, dalawang araw walang tulog ang mga pulis ng Malolos City Police at Guiguinto Police para tugisin ang suspek na nagresulta sa agarang pagkakaaresto kay De Jesus.
Nabatid na isa sa pangunahing dahilan sa pagkakaaresto sa suspek ang pahayag ng tatlong reliable witnesses na nakipagtulungan sa pulisya para madiin si De Jesus sa nasabing krimen.
Pinasalamatan at pinuri ni Fernando ang Bulacan PNP sa mabilis na responde at aksyon gayundin sa mga nagbigay ng reward at nagtulong-tulong upang ma-solve ang kaso ni Dayor.
Binanggit din ni Cabradilla na malaking tulong din sa imbestigasyon ang pabuya na ipinagkaloob nina Malolos City Mayor Christian Natividad, Cong. Ambrosio “Boy” Cruz Jr. at Guiguinto Mayor Agatha Cruz na umabot sa P.5-million.
Itinanggi naman ng suspek ang krimen at sinasabing wala siyang kinalaman sa akusasyon.
Si Dayor ay nawala noong Hulyo 2 habang papasok sa kanyang trabaho at mula noon ay hindi na nakabalik hanggang sa matagpuan itong isa nang bangkay at naaagnas na sa isang madamong bakanteng lote.
Base sa medico legal, sa sakal namatay ang biktima gamit ang strap ng sling bag nito.
Kasalukuyang nakapiit sa Malolos City Police ang suspek at inihahanda ang kasong “robbery holdup with homicide” laban dito. (ELOISA SILVERIO)
193 