P32-M kargamento silat sa Mindanao ONION SMUGGLING, AYAW MAGPAAWAT

NANANATILING hamon sa Bureau of Customs (BOC) ang patuloy na pamama­yagpag ng mga sindikato sa likod ng illegal smuggling ng mga produktong agrikultura – kabilang ang pitong kargamentong naglalaman ng mga sibuyas na inangkat pa mula sa bansang Tsina.

Sa imbentaryo ng kawanihan, aabot sa P32-milyong halaga ng sibuyas ang nasabat kamakailan  sa magkakahiwalay na
operasyon kontra smuggling sa Mindanao International Container Port (MICP) sa Misamis Oriental.

Sa pahayag ng BOC, tagumpay anilang napigilan ang dalawang tangkang pagpupuslit ng smuggled onions sa MICP nito lamang nakalipas na linggo.

Unang nasilat ang tatlong containers na naglalaman ng P21-milyong halaga ng pula at puting sibuyas na batay sa mga kalakip na dokumento ay idineklara ng Frankie Trading Enterprises bilang mantikilya.

Sumunod naman nabulilyaso ang apat na iba pang containers na idineklarang “spring roll patties” ng Primex Export and Import Producer. Nang busisiin ng mga kawani ng ahensya,  tumambad ang santambak na sibuyas na tinatayang nasa P12 milyon na agad namang kinumpiska ng  mga operatiba sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention na ipinalabas ng BOC.

Kapwa nahaharap sa patong-patong na asunto ang Frankie Trading Enterprises at Primex Export and Import Producer dahil sa hayagang paglabag sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).          (JOEL AMONGO)

328

Related posts

Leave a Comment