OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
PINATUNAYAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na may maayos at klaro siyang plano para sa direksyong tatahakin ng bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno sa susunod na anim na taon.
Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) inilatag niya ang kanyang mga programa na nais niyang maisabatas at mabigyang prayoridad ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kapuri-puri din ang lawak ng kanyang kaalaman sa tunay na kalagayan ng bansa at ang kanyang sinserong hangarin upang matulungan ang ating mahihirap na mga kababayan kabilang na ang ating mga magsasaka at mangingisda.
Sa mahigit isang oras niyang talumpati, maraming beses siyang pinalakpakan at tumanggap ng standing ovation dahil sa kanyang policy statements at paninindigan sa ilang mahahalagang mga isyu.
Isa sa pinakamalakas ang palakpakan ay nang magpahayag siya ng mga alituntunin para matulungan ang ating lokal na mga magsasaka para makamit ng bansa ang food sovereignty.
Pinuri din siya dahil sa pahayag niyang ‘no more lockdown policy’ ng pamahalaan sa gitna ng mga banta ng nakakahawang mga sakit gaya ng COVID-19, at sa halip ay ibayong pag-iingat at maagap na pagkilos na lang ang gagawin ng kinauukulang mga tanggapan partikular ang DOH.
Dumagundong din ang palakpakan nang ipahayag niya ang kanyang foreign policy na “friend to all, enemy to none” kung saan ay idineklara niya na hinding-hindi niya isusuko o ibibigay kahit isang pulgada ng ating teritoryo sa kanino mang bansa.
Kung susumahin ay mahusay niyang naipaabot ang kanyang mensahe at ilan nga sa napapanahon niyang mga panukala ay ang plano niyang pagtatatag ng sarili nating Center for Disease Control (CDC) at ng vaccine institute.
Para sa akin ay isa ito sa mga dapat bigyang prayoridad ng ating mga mambabatas upang sa ganoon ay maging mas handa ang bansa sakali mang dumating ulit ang mga salot na sakit na tulad ng COVID-19.
Ang kabutihan kasi kung may sarili tayong CDC at vaccine institute ay mabibigyan ng tsansa ang ating mga siyentipiko at dalubhasa upang magsagawa ng research para paghandaan at labanan ang banta ng mga parating na mga sakit at virus.
Batid ni PBBM na ang isa sa susi para sa mas maunlad na bansa ay ang malusog at masiglang mga komunidad para maging mas produktibo ang ating mamamayan.
Sa kabuuan, maliwanag na alam ni PBBM ang mga gusto niyang gawin at kung paano niya ito maisasakatuparan sa loob ng panahon ng kanyang panunungkulan.
Masasabi ko na mapalad talaga tayo sapagkat si PBBM ang inihalal natin para maging lider, at maliwanag na hindi nagkamali ang mahigit 31 milyong Pilipino na nagtiwala sa kanya.
388 