China president nagpahatid ng pakikiramay kay PBBM MAGNITUDE 7 QUAKE DEATH TOLL: SAMPU NA, 375 SUGATAN

UMAKYAT na sa sampu ang naitalang namatay ng National Disaster Risk Reduction Management Council bunsod ng magnitude 7.0 earthquake sa hilagang Luzon na ikinasugat din ng 375 katao noong Miyerkoles.

Ito ay makaraang madagdag ang apat kataong kabilang sa missing persons na natabunan sa pagguho ng lupa sa Abra.

Noong nakalipas na linggo ay naibalik na sa  kani-kanilang lugar ang labi ng apat na kalalakihang  natabunan sa nangyaring landslide dahil sa lindol sa Luba, Abra.

Noong Biyernes lang na-recover ang bangkay ng mga biktima na gumagawa sa covered court nang mangyari ang trahedya

Batay sa ulat na inilabas ng NDRRMC kahapon ng umaga, bukod sa 10 namatay, nakapagtala rin sila ng 375 katao na nasugatan na karamihan ay mga babae na may edad 25-anyos hanggang 60-anyos.

Nasa mahigit 314,000 indibidwal mula sa tatlong rehiyon ang apektado ng malakas na lindol.

Noong nagdaang linggo ay nagparating ng kanyang “message of condolences” si Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., sa pamamagitan ng kanyang Philippine counterpart, kaugnay sa nangyaring kalamidad.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Xi na siya ay nabigla nang malaman niyang nagdulot ng kamatayan at pagkasira ng mga ari-arian ang naganap na lindol sa Pilipinas.

Sa ngalan ng  Chinese government at ng mamamayan nito sa pangunguna ni President Xi, ay ipinararating nito ang kanyang taos pusong pakikiramay  sa mga nasawi at pakikisimpatiya sa mga naulila na pamilya at sa mga sugatan.

Naniniwala si Xi na sa pamumuno ni President Marcos at ng pamahalaang ng Pilipinas, ay madaling makababangon at makababawi ang mga tao sa earthquake-stricken areas at malalagpasan nila ang kalamidad at maitatayong muli ang nasirang mga bahay.

Ayon kay NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad, nasa 34,291 katao ang na-displaced, at nasa mahigit 3,800 ang nananatili ngayon sa 42 evacuation centers.

Iniulat din ng ahensiya na nasa 21,890 kabahayan ang nasira kung saan karamihan dito ay partially damaged.

Sa ngayon nasa 43 roads at pitong tulay ang nasira subalit 84 percent na sa mga ito ay ‘passable’ na sa lahat ng mga sasakyan.

Ang 48 na bayan at siyudad na nawalan ng power supply matapos ang malakas na lindol, ay nagkaroon na ng kuryente.

Nasa 27 na mga lugar ang isinailalim ngayon sa state of calamity. Umabot na sa P414.2 million ang pinsala na naitala sa imprastraktura.

Nasa P11.6 million na halaga ng tulong ang naipamahagi na ng gobyerno sa mga biktima ng lindol. (JESSE KABEL)

197

Related posts

Leave a Comment