DOH NABABAHALA SA PAGTAAS NG COVID-19 CASES

covid

NABABAHALA ang Department of Health sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, makaraang maiulat na nasa 14 na lugar sa bansa ang may ‘very high’ COVID-19 positivity rate at sa National Capital Region ay nasa 15% na.

Ito ang iniulat ng OCTA Research Group, na sinabing nakapagtala ng 20% sa 14 lugar sa bansa habang umabot na sa 15% sa NCR.

Sa pag-aanalisa sa mga datos mula sa DOH, tinukoy ni OCTA fellow Dr. Guido David, ang mga lalawigan ng Albay, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Isabela, La Union, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Pangasinan, Quezon, Rizal, Tarlac, at Zambales na may ‘very high positivity rates’ nitong Hulyo 29.

Pinakamataas ang sa Isabela na may 36.3%; kasunod ang Tarlac, 31.6%; Laguna, 30.9%; Camarines Sur, 28.4%; Quezon, 27.5%; Zambales, 27.2%; Cavite, 27.1%; Nueva Ecija, 25.8%; Albay, 25.4%; Pampanga, 23.2%; Cagayan, 22.7%; Rizal, y 21.7%; Pangasinan, 21%, at La Union na may 20.9%.

Nakapagtala naman ang NCR ng 15% positivity rate mula sa 14.2% noong Hulyo 23.

Ang positivity rate ang tumutukoy sa porsyento ng mga tao na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa COVID test.

Noong Sabado, nakapagtala ang bansa ng 3,996 bagong kaso ng COVID-19 sanhi para tumaas ang mga aktibong kaso sa 33,509. (RENE CRISOSTOMO)

225

Related posts

Leave a Comment