(CHRISTIAN DALE)
MULING isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuhay sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa mga eskwelahan.
Para sa Chief Executive, kailangang matuto ang mga kabataang Pilipino ng disaster-preparedness skills bunsod na rin ng kamakailan lamang na magnitude 7 earthquake na umuga sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa quake-hit provinces, sinabi nito na nakita niya ang pangangailangan na mas maraming kamay para sa disaster zones.
“Mas marami rin tayong maihahanda na sibilyan sa ganitong disaster response sa pamamagitan ng ROTC program,” ayon sa Pangulo sa kanyang weekly vlog.
“Hindi lang naman national defense ang tinuturo sa kanila kundi disaster preparedness at capacity building para sa risk-related situations na tinuturo sa kanila,” anito.
“Although likas na sa ating mga Pilipino ang maging matulungin, iba pa rin pag may training at tamang paghahanda sa pagresponde,” dagdag na pahayag nito.
Bukod dito, isinaalang-alang ng Pangulo na disaster-prone country ang Pilipinas.
“Ang bansa natin ay nasa Ring of Fire, typhoon belt. Tayo rin ang pinakamataas sa risk sa mga epekto ng climate change,” ani Pangulong Marcos.
“Takaw sakuna ang ating lokasyon kaya hindi tayo dapat magkulang sa paghahanda,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi ni Pangulong Marcos, Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na hihilingin niya sa Kongreso na gumawa ng bagong batas para gawing mandatory muli ang pagkuha ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ng mga estudyante na nasa Senior High School o nasa Grade 11 at 12.
Saklaw nito ang mga estudyante na nasa public at private tertiary schools.
Military service
pang-giyera lang
Samantala, pinakalma ng isang mambabatas sa Kongreso ang publiko kaugnay sa National Defense bill dahil gagana lamang umano ito sa panahon ng giyera.
Ito ang paglilinaw ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre hinggil sa kanyang House Bill (HB) No. 11 o mandatory military service sa lahat ng Pinoy, maliban sa mga may sakit at matatanda.
“House Bill (HB) No. 11 requires mandatory military service for all citizens only when the President mobilizes the nation “in case of actual invasion or when public safety requires,” ani Acidre.
Taliwag ito sa pinangangambahan ng marami na kapag naging batas ang nasabing panukala ay obligado ang lahat ng Pinoy na magserbisyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) tulad ng ginagawa sa ibang bansa.
Isa sa mga bansa na mayroong mandatory military service ang South Korea kung saan pagtuntong ng isang indibidwal sa edad 21 ay obligadong pumasok sa military service sa loob ng dalawang taon.
Sinabi ng mambabatas na hindi ito mangyayari sa Pilipinas bagkus ay gagana lang ang batas sa sandaling magkaroon ng aktuwal na pananakop ng ibang nasyon sa bansa.
“Military service in war time does not only involve carrying guns and shooting people. There are also priests, doctors, nurses, engineers and other professionals needed for their service in war,” ayon pa sa kongresista.
Layon umano nito na magtulong-tulong ang lahat ng Pilipino sa panahon ng kagipitan lalo na nakataya na ang soberenya ng bansa dahil tungkulin ng bawat isa na ipagtanggol ito sa mga mananakop. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
279 