GO, GO YOGI!

Imbestigahan Natin
Ni JOEL O. AMONGO

HINDI pa man nag-iinit sa kanyang pwesto, agad na kinakitaan ng pagiging masunuring sundalo si Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. Mga direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad na tinrabaho.

Hirit ng isang tagamasid sa Palasyo, ramdam agad ng Pangulo ang katuparan ng kanyang direktiba kay Ruiz na itinalaga mahigit isang linggo pa lang ang nakakaraan.

Kabi-kabilang operasyon kontra-droga, agri-smuggling at pati puslit na sigarilyo sa bandang katimugan, timbog sa unang linggo.

Kasabay ng agresibong pagtugis sa mga bulilyaso, isang babala naman ang kanyang paabot sa mga prenteng-prenteng district collectors sa iba’t ibang panig ng arkipelago. Aniya, wag tutulog-tulog sa pansitan dahil nakaumang ang palakol ng Palasyo sa mga tamad, tiwali at walang kakayahan isakatuparan ang programa ng Pangulo.

Pagtitiyak ng bagong BOC chief, hindi paandar ang unang linggo kundi isang tuloy-tuloy na programa ng kawanihan hangga’t siya ang namumuno.

Ang totoo, hindi bago kay Ruiz ang pangangalap ng imporma­syon at pagkakasa ng operasyon lalo pa’t yan mismo ang kanyang

trabaho sa nakalipas na dalawang dekada – una sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa kanyang pinangangasiwaang BOC kung saan siya nagsilbing director ng Enforcement and Security Service (ESS).

Bulong ng isang kasangga sa panulat, literal na operatiba si Ruiz kaya naman hindi madaling paikutin ng mga tao sa ilalim niya. Kabisado niya ang diskarteng pilipit, gayundin ang mga tiwaling naghahapit.

Ang tanong – kakayanin ba ng bagong BOC chief gibain ang sindikato sa kanyang kawanihan? Posible naman lalo pa’t yan mismo ang direktiba sa kanya ng Pangulo. Katunayan, may pinahihinog na si Commissioner Ruiz.

Kung sino, abangan natin sa mga susunod na linggo.

189

Related posts

Leave a Comment