MAKARAANG sumambulat ang Commission on Audit (COA) report hinggil sa bulilyasong kinasasangkutan ng 974 importers, tiniyak ng bagong pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na kagyat nilang rerebisahin ang talaan ng mga kumpanyang may rekord ng mga paglabag sa umiiral na reglamento ng gobyerno.
Ayon kay Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, malaking bentahe sa kanyang tanggapan ang inilabas na ulat ng COA, kasabay ng pahiwatig na magiging bahagi ng kanilang batayan ang naturang COA report para sa accreditation renewal ng mga importers.
Sa ulat ng COA, lumalabas na nagawa pa ring magnegosyo ng 974 importers sa kabila ng mga inilabas na notice of violation ng kawanihan.
Sa naturang bilang, 762 ang may akreditasyon mula sa nasabing ahensya, habang 330 naman ang tinukoy na paulit-ulit na lumabag sa reglamento ng kawanihan. Pasok din sa talaan ng COA ang 45 importers na paso na ang BOC accreditation, habang 167 naman ang walang akreditasyon subalit nagawa pa rin makapagpasok ng kargamento mula sa ibang bansa.
Kabilang sa mga tinukoy na paglabag ang “seizure, abandonment, and smuggling.”
Sa pagtataya ng COA, aabot naman sa P29 bilyon ang nawala sa gobyerno sa pagpasok ng mahigit 77,000 kargamento Bilang tugon sa COA, agad na naglabas ng direktiba ang bagong talagang BOC Commissioner sa 17 district collectors na inoobliga na rin bigyan ng sipi sa loob ng 24-oras ang Account
Management Office (AMO) ng lahat ng iniisyung warrant of seizure and detention sa mga naitalang paglabag ng mga probisyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Samantala, inilabas na rin ng BOC ang Customs Administrative Order 07-2022 na nagtatakda ng mas mahigpit na proseso sa paggagawad at renewal ng akreditasyon sa mga aplikasyong isinusumite ng mga pribadong kumpanyang hangad ay magpasok at maglabas ng kargamento.
“CAO 07-2022 primarily outlines the application process for new applications and the renewal of accreditation. It covers all importers who transact with BOC concerning the importation, movement and clearance of goods. These include other government agencies or instrumentalities; foreign governments, officials and representatives; and international organizations. Under the order, the BOC may allow one-time
accreditation for importers with a high level of customs compliance under the Authorized Economic Operators and other trade facilitation programs.”
193 