SUSPENSYON NG NCAP KINONTRA SA QC AT VALENZUELA

MARIING tiniyak ng Quezon City Government na tuloy ang implementasyon at hindi sinususpinde ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) ng lokal na pamahalaan.

Ito ang nabatid sa press statement ng Public Affairs and Information Services Department (PAISD) ng Quezon City bagamat nakikipag-usap ang QC government sa Land Transportation Office (LTO) para resolbahin ang mga isyu hinggil sa hinihiling ng ilang stakeholders na suspension sa No Contact Apprehension Program (NCAP).

Sinabi ng QC government, nakikipag-usap din ang lokal na pamahalaan sa iba pang mga yunit ng lokal na pamahalaan na may katulad na programa, patungkol sa magkakatulad na parusa sa ilalim ng NCAP.

Nauna rito, hiniling ni Land Transportation Office (LTO) Chief Teofilo Guadiz, sa local government units (LGUs) na kailangan munang suspendihin ang NCAP hangga’t wala pang malinaw na panuntunan

Ayon kay Guadiz, maraming natatanggap na reklamo ang LTO mula sa mga operator ng mga pampasaherong sasakyan na sila ang naoobligang magbayad ng multa sa paglabag sa batas trapiko ng kanilang driver.

Samantala, hindi rin sumang-ayon si Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” Gatchalian sa apela ni LTO chief Guadiz III na suspindihin ang pagpapatupad ng NCAP.

Ayon kay Gatchalian, ang NCAP ay isang panukalang naglalayong bawasan ang pagiging subject ng tao at gawing mas mahusay at walang graft ang pamamahala sa trapiko. Nakatutulong ito na maalis ang tukso sa mga traffic enforcer na gumawa ng mga tiwaling aktibidad tulad ng “kotong (panunuhol).”

Aniya, ang pagsususpinde sa patakaran ay mas makakasama kaysa  kabutihan, idinagdag na ang pagkabalisa sa trapiko sa Valenzuela ay babalik sa malagim nitong kapanahunan, habang ang disiplina na itinanim sa mga motorista ay mauuwi sa wala. (PAOLO SANTOS/ALAIN AJERO)

201

Related posts

Leave a Comment