BATANGAS – Muli na namang namatay ang mga isdang tilapia na umabot ng 29 tonelada o katumbas ng P3 milyong halaga ng pagkalugi sa mga mangingisda sa bayan ng Agoncillo sa lalawigang ito.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, nasa 43 fish cages ang naapektuhan ng fishkill sa mga barangay ng Banyaga at Bilibinwang.
Sinabi ni BFAR 4-A Director Sammy Malvas, sanhi ng fishkill ang pagbaba ng level ng oxygen sa mga palaisdaan.
Ang oxygen level sa marine waters ay dapat nasa five milligram per liter.
Dagdag pa ng opisyal, nangyayari ito dahil sa papalit-palit na panahon.
“Last week, after the sunny weather, we experienced rains,” ayon kay Malvas. Kinakailangang maialis din aniya ang namatay na mga tilapia sa lugar sa lalong madaling panahon.
Agad namang nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang kinalaman ang fish kill sa pag-aalburoto ng Taal Volcano na bumaba na ang mga aktibidades tulad ng wala nang naitalang paglindol at nasa 13,098 tons na lamang ang sulfur dioxide (SO2) emissions noong nakaraang Lunes. (CYRILL QUILO)
290 