TINATAYANG umabot sa P19.6 million ang street value ng ilegal na droga na nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police sa serye ng anti-narcotics operations na ikinasa sa Cebu noong Linggo.
Ayon kay Central Visayas Police Director Roque Vega, pinalakas nila ang kanilang kampanya kontra droga sa kanilang nasasakupan partikular sa lalawigan ng Cebu.
Sa report na ibinahagi ni Police Brig. General Vega, unang nadakip ang isang dating waiter sa Barangay Luz, Cebu City, kung saan nakuha ang mahigit P1 milyong halaga ng ilegal na droga.
Isang buy-bust operation naman ang isinagawa sa Barangay Guadalupe na nagresulta sa pagsamsam sa P748,000 halaga ng droga sa isang lalaki na kinilalang si alyas “Bayogyog.”
Sa Toledo City, isang 35-anyos na lalaki ang nakuhanan ng mahigit 1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.4 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Das.
Isang teenager naman na itinuturing na high value target ang nadakip sa Mandaue City, matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay Cabancalan na nakuhanan ng P10.2 milyon ang halaga ng shabu.
Sa Barangay Tipolo, isang senior citizen naman ang nakumpiskahan ng P340,000 halaga ng hinihinalang shabu. (JESSE KABEL)
304 