MATAAS ang expectation ng mga tao sa mundo sa Amnesty International (AI) lalo na ang mga biktima ng karapatang pantao dahil ang grupong ito ang nakikipaglaban para palakasin ang human rights sa daigdig kabilang na ang Pilipinas.
Pero gumuho ang reputasyon ng AI matapos ang tila pagkampi nila sa Russia at sinisi ang mga sundalo ng Ukraine na gumagamit ng taktika na naglalagay sa panganib sa mga Ukrainian.
Hindi ikinonsidera ng AI ang katotohanan na ang Russia ang lumusob sa Ukraine at ang mga sundalong Russo ang walang habas na pumapatay ng mga sibilyan sa unang araw pa lamang ng giyera.
Ang mga Russian din ang bumubomba sa mga bahay ng mga Ukrainian kahit hindi naman talaga sana kasama ang mga ito sa giyera pero parang kasalanan pa ng Ukraine Army kung bakit namamatay at nanganganib ang kanilang mamamayan.
Nagpagamit ba ang AI sa Russia dahil ang kanilang report ay ginagamit ngayon ng mga opisyales ni Vladimir Putin para bigyang katwiran ang pananakop at pagsira, hindi lamang sa buhay ng mga Ukrainian kundi sa kanilang mga ari-arian?
Sa Pilipinas, sikat na sikat ang AI dahil sila ang pag-asa ng mga biktima ng human rights violations matapos silang makapasok sa bansa at mairehistro ang kanilang organisasyon noong 1987.
Ang misyon ng AI sa Pinas ay mapalaya ang political prisoners at patatagin ang karapatang pantao at sila rin ang pangunahing lobbyist kung bakit nawala ang death penalty sa bansa.
Sila rin ang humaharap para labanan ang diskriminasyon at ipagtanggol ang karapatan ng refugees at migrante at kung ano-ano pa na pawang pagdedepensa sa mga tao na biktima ng iba’t ibang pang-aabuso ng estado o grupo ng mga pribadong tao.
Naging aktibo rin ang AI Philippines laban sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil maraming naitalang pag-aabuso ng mga pulis sa kanilang operasyon laban sa mga inosenteng mamamayan tulad ni Kian delos Santos ng Caloocan.
Naglabas sila ng mga report kung papaano pinagpapatay nang walang kalaban-laban ang mga pinaghihinalaang gumagamit ng ilegal na droga sa kasagsagan ng war on drugs ni Digong.
Ang isa sa kilalang mga opisyales ng AI ngayon ang dating special rapporteur ng United Nation (UN) na si Agnes Callamard na gigil na gigil na makapasok sa bansa para mangalap ng ebidensya laban kay Digong, at mga dating opisyales ng Pambansang Pulisya tulad ni Bato dela Rosa para pormal na silang malitis sa International Criminal Court (ICC).
Pero biglang gumuho ang reputasyon ng AI kung saan spokesman ngayon si Callamard, dahil sa tila pagkampi nila sa Russia at sisihin pa ang Ukraine sa kanilang pagdepensa sa kanilang lupain na nais angkinin ni Putin.
Ngayong sira na ang reputasyon ng AI, sino na ang maniniwala na seryoso sila na ipagtanggol talaga ang karapatan ng mga biktima ng karapatang pantao, kung meron silang kinikilingan?
177 