NATAGPUANG patay sa bayan ng Tiaong sa lalawigan ng Quezon ang isang delivery rider na dalawang araw nang nawawala sa Bulacan.
Batay sa report ng Tiaong Police, dakong alas-7:00 ng umaga noong Martes nang madiskubre ng mga residente ang bangkay ng biktimang si Melvin Bedania, isang Lalamove rider, at residente ng San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon sa Tiaong PNP, nakahandusay ito sa gilid ng Tiaong By-Pass Road sa Barangay Lumingon nang makita ng nagdaraang mga residente.
Ayon sa imbestigasyon ng Tiaong PNP, wala itong ano mang sugat sa katawan at suot pa ang kanyang motorcycle jersey na siya ring suot nito noong umalis sa kanilang lugar sa Bulacan. Pero nakababa ang suot nitong jogging pants.
Ayon sa babaeng kapatid, Linggo ng umaga nang umalis sa kanilang bahay ang biktima para mag-deliver ng items sa kanyang area sa Bulacan sakay ng kanyang motorsiklo.
Pero hindi na ito nakabalik buhat noon hanggang sa makita sa Tiaong ngunit nawawala ang motorsiklo nito.
Samantala, natagpuang wala nang buhay sa gilid ng Eco Tourism Road sa Sitio Pontor, Brgy. Bignay 2, Sariaya, Quezon ang lalaking dinukot ng armadong kalalakihan sa isang gasolinahan sa By-Pass Road sa Taal, Batangas noong Miyerkoles ng gabi.
Batay sa report ng Sariaya Police, dakong alas-6:50 nitong Huwebes ng umaga nang makita ng isang nagdaraan sa lugar ang bangkay na nakatali ang dalawang kamay at nababalot ng packaging tape ang buong ulo.
Positibong kinilala ng kanyang mga kaanak ang bangkay na si Eugene Beltran, residente ng Lemery, Batangas. Nahagip umano ng CCTV camera ng gasolinahan ang nasabing pagdukot sa biktima.
Sa kuha ng CCTV sa gas station sa Taal noong Miyerkoles ng gabi, naglalakad ang biktima patungo sa gasolinahan nang dumating ang dalawang AUV van at nagbabaan ang tinatayang walong armadong kalalakihan.
Sapilitang isinakay ng mga ito sa isa sa dalawang van ang sumisigaw na biktima at mabilis na umalis ang dalawang sasakyan.
Ayon sa asawa ng biktima na si Jane Cabello, galing Maynila ang biktima na isang dating delivery rider. Kabababa lamang ng bus at pauwi na sa kanilang bahay sa Lemery nang mangyari ang pagdukot.
Sinabi ni Sariaya Police chief, P/Lt. Col. William Angway Jr., may tama ng bala sa ulo at sa likod ang biktima nang matagpuan sa gilid ng highway, nasa 71 kilometro ang layo mula sa lugar na pinagdukutan dito.
Subalit lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi roon pinatay ang biktima kundi sa ibang lugar at itinapon lamang ito doon. (NILOU DEL CARMEN)
