INSPEKSYON SA SUGAR WAREHOUSES TULOY-TULOY

NAGPAHAGING na ang Malakanyang na mas marami pang pag-inspeksyon ang gagawin ng mga awtoridad sa mga bodega na nag-iimbak o nagtatago ng smuggled sugar.

Ito’y dahil na rin sa “visitorial powers” na mayroon ang custom agents.

Sa katunayan, sinampolan ng mga ito ang bodega sa Pampanga para i-check ang mga bodega kung nagtatago ng asukal.

Isa pang inspeksyon ang isinagawa sa bodega sa Bulacan bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“This is a series of raids. Yes po we can confirm that there is another warehouse in the vicinity of Bulacan, di ko pa po ma-confirm kasi di ako sure kung tapos na ‘yung pag-inspect ng BOC. But we can confirm that there is another one today and possibly more in the coming days,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz – Angeles.

Napaulat na dalawang bodega sa San Jose del Monte Bulacan na pag-aari ng Chinese-Filipino sugar trader ang magkahiwalay na sinalakay ng mga ahente ng Bureau of Customs (BoC),  Miyerkoles ng gabi at tanghali ng Huwebes bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa pinaghihinalaang sugar hoarders.

Bilang tugon sa naging kautusan ni Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez, sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pamumuno ni officer-in-charge Joeffrey Tacio at Enforcement and Security Service (ESS), ang bodega sa Kaypian Road, Brgy. Kaypian sa San Jose del Monte, Bulacan.

Armado ng Letter of Authority na nilagdaan ni  BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, natuklasan ng mga operatiba ng CIIS-ESS na may 25,000 hanggang  30,000 sako ng iba’t ibang klase ng asukal ang maayos na nakasalansan sa bodega na pag-aari ng isang Victor Chua, nagsabing ang kanyang sugar stock ay “locally purchased.”

Nakatanggap si Chua ng kopya ng LOA na nagkaloob ng visitorial power sa BoC para inspeksyunin ang bodega at pasilidad ng pinaghihinalaang pinag-iimbakan ng smuggled goods o nakagawa ng ibang paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sinabi ni Tacio na ang CIIS ay kasalukuyang nagsasagawa ng inventory ng nasabat na asukal at binigyan ang warehouse owners ng 15 araw para makapag-presenta ng mahahalagang dokumento at iba pang ebidensiya kung bakit hindi dapat humarap sa prosekusyon at kung bakit ang mga nasabat na asukal ay hindi dapat mapunta sa gobyerno.

Sa kabilang dako, isa pang bodega na pag-aari pa rin ni Chua sa San Jose del Monte, Bulacan ang binisita ng Bureau of Customs at Department of Agriculture, nitong Huwebes.

Kasama ni DA Asst. Secretary Federico Laciste Jr. ang Provincial Criminal Investigation and Detection Group at ang local unit ng Philippine National Police sa pangunguna ni San Jose Del Monte chief of police Lt. Col. Cris Cordero.

Naglalaman ang warehouse ng tinatayang 42,733 sako ng asukal na katumbas ng 2,150 metric tons at nagkakahalaga ng P215 milyon, ayon sa pagtataya ni Atty. Aguinaldo ng BoC.

Ang joint BoC-DA raid ay base sa impormasyon na ang bodega na pag-aari ni Chua ay may hoarded sugar na naglalayong makakuha ng malaking kita mula sa kasalukuyang mataas na presyo ng asukal sa merkado.

Nauna rito, sa Pampanga, sinalakay ng mga ahente ng BoC agents mula CIIS at ESS na naka-base sa Port of Clark ang bodega sa Lison Building sa Barangay Del Pilar kung saan makikita ang New Public Market.

Katulong ng BoC agents ang mga barangay officials at  local unit PNP unit. (CHRISTIAN DALE)

165

Related posts

Leave a Comment