SINISILIP na rin ngayon ng Malakanyang ang di umano’y paggamit ng “recycled import permits” kasunod ng napigilan kahapong pagkalat sana sa merkado ng tangkang pagpuslit sa may 7,021 metric tons ng asukal mula sa Thailand.
Sinabi ni Executive Secretary Vic Rodriguez, nakaabot na sa kanyang tanggapan na may indikasyong nagamit na sa mga nakalipas na sugar shipment ang import permit sa nasabat na tone-toneladang asukal kahapon sa Subic, Zambales.
Malinaw aniyang isa itong economic sabotage na maituturing na isang asuntong walang piyansa at kanilang ipupursige sa mga may sala kasunod ng kautusan ng Pangulo na papanagutin ang mga sangkot sa sugar smuggling.
Samantala, sinabi naman ni Press Secretary Trixie Cruz- Angeles na sa harap ng nasabing direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay tinitingnan din ng Malakanyang ang posibleng pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling opisyal sa Bureau of Customs o BOC.
Sa oras aniya na lumabas sa pagsisiyasat na may sangkot na tiwaling taga-Customs ay siguradong may mananagot kasabay ng paninigurong may masisibak sa kanilang puwesto ngayong lumutang ang modus na sugar import permits para lang makapagpuslit ng kontrabandong asukal. (CHRISTIAN DALE)
