OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
NITONG Martes, Agosto 30, ay ipinagdiwang ng bansa ang kauna-unahang National Press Freedom Day.
Siyempre gaya ng inaasahan ay pinangunahan ng National Press Club sa pamumuno nina Pangulong Lydia Bueno, VP Tina Maralit, dating Pangulo at ngayon ay Kalihim Paul Gutierrez, Auditor Boying Abasola at mga director ng samahan, ang selebrasyon nito.
Kasabay sa pagdiriwang ang pagpapasinaya sa bust ni Marcelo H. Del Pilar na kilala rin sa taguring “Plaridel” na kinikilala natin bilang Ama ng Pamamahayag sa bansa.
Ang okasyon ay dinaluhan ng mga opisyal ng ating pamahalaan sa pangunguna ni dating NPC president at ngayon ay Presidential Task Force on Media Security chief, Usec. Joel Egco.
Karapat-dapat lang na si Usec Egco ang maging panauhing pandangal sa okasyon sapagkat siya talaga kasama si dating Pangulo at ngayon ay NIA Administrator Benny Antiporda, ang masugid na nagsulong para maisabatas ang Republic Act 11699.
Ang RA 11699 ay nag-dedeklara sa Agosto 30 na siya ring kaarawan ni Plaridel, ng bawat taon bilang National Press Freedom Day, at pinirmahan bilang isang batas noong nakaraang Abril ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Maaaring hindi gaanong binigyang pansin ng karamihan ng ating mamamayan ang okasyong ito na isang working holiday, pero para sa mga mamamahayag na katulad ko, ay napakahalagang araw ito.
Kakaiba sa ibang mga karaniwang mga holiday na ipinagdiriwang natin, higit pa sa kasiyahan ang dalang mensahe at kahulugan nito.
Hindi lamang sa larangan ng pamamahayag kundi sa kabuuang pananaw sa kung anong klaseng kalayaan ba ang kasalukuyang tinatamasa natin dito sa bansa.
Naniniwala kasi ako na hindi tunay na malaya ang isang bansa kung sinisikil ng estado ang kalayaan sa pamamahayag at pinipigilang umusbong ang malayang talakayan at pagpapahayag ng damdamin ng mamamayan.
Kaya naman dapat tayong magpasalamat sapagkat mismong ang Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang siyang pangunahing nagtataguyod sa malayang pamamahayag dito sa bansa.
Kaya naman sa kauna-unahang selebrasyon ng National Press Freedom Day nitong Martes ay muli niyang tiniyak na katuwang siya ng mga mamamahayag sa pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag.
“Kinilala at nirerespeto ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa gaya ng nakasaad sa Konstitusyon,” pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa Facebook post.
Binigyang diin pa ni Angeles na ang kalayaang tinatamasa ng mga mamamahayag sa ngayon ay lalo pang yayabong sa ilalim ng administrasyong Marcos.
“You’re free to talk. We’re not changing anything. Whatever freedom we have now will always be our freedom. Our Constitution guarantees that,” una na niyang sinabi noong pangunahan ni PBBM ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng NPC sa Malakanyang kamakailan.
Dahil sa suportang ito ni PBBM, inaasahan natin na lalo pang uunlad ang malayang pamamahayag kasabay ng pagbibigay ng garantiya para sa kaligtasan at seguridad ng bawat isang mamamahayag sa bansa.
232
