2 ARESTADO SA ‘BUGAWAN’ SA FB

NASADLAK sa selda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa umanong bugaw makaraang bitbitin ng mga tauhan ng NBI- Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD) sa Antipolo City dahil sa human trafficking.

Sa nasabing pagsalakay ay nasagip ang walong kababaihan kabilang ang limang menor de edad.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2002 ang dalawang suspek na kinilalang sina Ronneth Tolentino at Rent Tumbali.

Base sa ulat na isinumite ng NBI-AVAWCD  kay NBI Director Medardo De Lemos, ang mga suspek na gumagamit ng pangalang “Trixie Tolentino” at “RB Tumbali” sa Facebook, ay umano’y mga bugaw at nagre-recruit ng mga babae at nag-aalok sa mga parukyano sa pamamagitan ng “online” kapalit ng P5,000 hanggang P10,000 na kabayaran.

Nabatid pa sa report ng NBI na edad 15 hanggang 23-anyos ang iniaalok na babae ng mga suspek sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa FB account ng mga ito.

Bunsod nito, nagkunwaring parukyano ang isa sa mga tauhan ng NBI-AVAWCD at nakipagkita sa dalawa sa isang fastfood restaurant sa Marilaque Highway, Cogeo, Antipolo City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na lulan ng van at nasagip ang walong kababaihan.

Ang dalawa ay sinampahan ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2002 sa Department of Justice, habang ang kababaihan ay pansamantalang inilagak ng mga awtoridad  sa DSWD. (RENE CRISOSTOMO)

185

Related posts

Leave a Comment