RIZAL – Kalaboso ang 9 na katao makaraang makumpiskahan ng 150 gramo ng umano’y shabu sa anti-drug operation ng mga operatiba ng Cainta PNP noong Sabado sa bayan ng Cainta sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kay PRO4A – Regional Director, P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Mary Claire Gamoza Rivera, Leslie Atienza Noche, Manuel Tutal Hibay, Alexie Paolo Santos Nilo, Jean Michael de Jesus Ealdama, Erwin Tudla Naval, Erwin Mina Angeles, Joy Dait Bernabe at Levi Solano, sa Barangay San Andres.
Napag-alaman, dakong alas-9:00 ng umaga, nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ni P/Lt. Col. Ruben Piquero, hepe ng Cainta PNP, hinggil sa isang Mary Claire na nagtutulak umano ng ilegal na droga.
Bunsod nito, agad isinagawa ang buy-bust operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 10 sachet na naglalaman ng 150 grams ng umano’y shabu na tinatayang P612,000 ang halaga, drug paraphernalia at buy-bust money.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office. (ENOCK ECHAGUE)
