RIZAL – Arestado ang mag-ina at pamangkin makaraang makumpiskahan ng P1.6 milyong halaga ng ilegal na droga sa anti-illegal drugs operation ng Provincial Intelligence Unit (PIU) sa bayan ng San Mateo sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kay PRO4A – Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang mga nadakip na sina Joana Babasa y Cielo alyas “Joan”, high value individual; Ana Mae Oliva y Babasa, at Neavie Guzman y Babasa, pawang nakatira sa Brgy. Ampid sa nasabing bayan.
Ayon kay P/SSG. Ederico Edrick Zalavaria, dakong alas-2:35 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PIU, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), kasama ang Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at San Mateo PNP na nagresulta sa pagkakadakip sa mag-ina at pamangkin sa Rafaela-2, Brgy. Ampid.
Nakuha sa mga suspek ang 8 sachet ng umano’y shabu na may bigat na 240 grams at nagkakahalaga ng P1,632,000, buy-bust money, at P1,150 cash na pinaniniwalaang pera mula sa droga.
Nakapiit na ang mga suspek sa detention cell ng pulisya at kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ENOCK ECHAGUE)
