Nagdiwang ng kaarawan sa gilid ng ilog 4 TINANGAY NG FLASHFLOOD SA TANAY, RIZAL

RIZAL – Isa ang kumpirmadong namatay habang isang bata ang nailigtas at dalawa ang patuloy na nawawala matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig ang magkakapamilya sa bayan ng Tanay sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Bagyong Karding.

Ayon kay P/Lt. Col. Rodolfo Santiago II, nangyari ang insidente habang ang mga biktima ay tumatawid sa Lanatin River sa Barangay Cayabu dakong alas-8:30 ng gabi.

Bigla umanong lumaki ang tubig at lumakas ang agos sa ilog kaya natangay ang mga ito.

Una nang natagpuan noong Lunes ang wala nang buhay na biktimang 65-anyos na si Arthur Panes sa pampang ng ilog.

Nawawala ang anak nitong babae na si Aimy Panes Laurel at asawa ng huli na si Carlo Laurel. Nakaligtas naman ang 2-taong gulang na anak ng mag-asawa.

Lumabas sa imbestigasyon, unang tinangay ng agos ang senior citizen habang tumatawid ang mga biktima sa ilog.

Sinubukan itong sagipin ng kanyang anak na babae subalit tinangay rin ito ng agos.

Nagawa namang mailagay ni Carlo sa mga puno ng kawayan ang kanilang anak at saka sinaklolohan ang mag-ama subalit tinangay rin ito ng malakas na daloy ng tubig-baha.

Na-rescue naman ng sumaklolong rescuers ang bata na nagkaroon ng mga galos at gasgas sa katawan.

Ayon pa sa imbestigasyon, isa sa mga biktima ang nagdiwang ng kaarawan sa isang lugar sa gilid ng nasabing ilog at pauwi na ang mga ito nang mangyari ang insidente.

Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at rescue team ng Tanay MDRRMO sa mag-asawang  nawawala. (NILOU DEL CARMEN)

577

Related posts

Leave a Comment