BAGONG COMPUTER PROGRAM NG PNP-FEO NAGDULOT NG MALAWAKANG PROBLEMA

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

BAGO pa man pumutok ang istorya ukol sa pagloloko ng sistema sa pagrerehistro ng baril at pagkuha ng lisensya sa Firearms and Explosive Ordnance (FEO) ay naisulat na po ng inyong lingkod ang problema, matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa ilang security agencies tungkol sa mabagal na pagbibigay ng Firearms Record Verification ng FEO.

Ayon sa impormante, ang dating sistema na dapat ay aabutin lang ng ilang oras ay inaabot na ng ilang araw at ang itinuturong salarin ay ang bagong “computer program” na ginagamit ng opisina ng FEO na hindi pa alam gamitin ng mga tauhan nito.

Pero hindi lang ang security agencies ang apektado ng problemang ito, maging ang libo-libong mga lehitimong nagmamay-ari ng baril. Ayon sa mga kwento, may mangilan-ngilang gun owners ang nagulat nang makitang nasa ilalim muli ng kanilang mga pangalan ang mga baril na matagal na nilang naibenta at nailipat sa pangalan ng mga bagong may-ari.

Kuwento naman ng isang firearms dealer, marami silang kliyente na nabahala dahil nawala sa FEO system ang serial number ng kanilang biniling mga baril.

Isa namang dating ­television executive, na meron lamang walong baril na nakarehistro sa kanyang pangalan, ang nagulat nang makitang nasa limampung baril na ang nasa ilalim ng kanyang pangalan matapos na i-check sa portal ng FEO. Ayon sa dating television executive, wala raw siyang private army o security agency para bumili ng ganoong ­karaming baril.

Nagbigay naman ng paliwanag ang PNP-FEO sa kanilang opisyal na FB page ukol sa mga pangyayari. Ayon dito, “To our dear clients, the FEO online system that process the license to own and purchase Firearms (LTOPF) and Firearms registration is currently experiencing system malfunction as a result of the migration of data. Rest assured that we are doing our best to resolve the issue immediately. Our sincerest apology for the inconvenience. Thank you for your understanding”.

Sa isang panayam sa radyo nito lang nakaraang Biyernes, kinumpirma ni FEO Director Col. Paul Kenneth Lucas, ang computer glitch ang dahilan ng naging problema sa record ng mga baril sa kanyang opisina. Ayon dito, ito ay sa kagustuhan nilang pag-isahin ang tatlong sistema na ginamit noong 2004, 2008 at 2017 upang mapabilis ang proseso. Kaya lang nagdulot ito ng malawakang problema na naayos din kinabukasan. Nagbigay rin ng assurance si Col. Lucas sa mga rehistradong may-ari ng mga baril na wala silang dapat ikabahala sa mga pangyayari.

426

Related posts

Leave a Comment