TELCOS MAKUPAD!!!

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

 

KAILANGAN din marahil na silipin na rin ng lehislatura kung anong dapat na ipataw na parusa sa mga telecommunications company sa bansa na mabagal umaksyon sa pagbabalik ng kanilang operasyon o signal ng kanilang mga cell site kapag mayroong mga kalamidad na tumatama sa bansa, kagaya ng Super Bagyong Karding.

Kagaya na lamang sa bayan ng Panukulan sa Quezon, sa Polillo Island, na dalawang araw na ay wala pa ring signal ang mga cell site ng mga telco na napakahalaga para sa subscribers nila para malaman naman ang kalagayan ng kani-kanilang mga mahal sa buhay na nasa naturang bayan.

Ang bayan ng Panukulan sa Quezon ay isa sa sentrong tinamaan ng Super Typhoon Karding, na wala man lang tamang balita na makuha sa lugar dahil hindi kaagad naibalik ng mga telco ang kanilang operasyon o signal sa naturang lugar.

Kung kailan kailangang-kailangan ay saka hindi mo sila maasahan, pero sa singilan ay napakabilis ng mga telco na ‘yan, at isa pa, ang bilis din nilang putulan ka ng signal kapag hindi ka kaagad nakapagbayad sa iyong monthly na bayarin.

***

PAGTATAYO NG EVACUATION
CENTERS, DAPAT!!!

Ipinanukala ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang pagtatayo ng evacuations center sa mga munisipalidad, syudad at mga lalawigan para mayroong masilungan ang ating mga kababayan kapag mayroong mga kalamidad na dumating sa bansa kagaya ng mga bagyo.

Ang naturang panukala ng kaihim ay upang maiwasan na umanong mabalam ang pagpasok ng mga estudyante dahil ginagawang evacuation center ng mga bakwit ang mga paaralan kapag mayroong mga kalamidad lalo na kapag may mga bagyong nanalasa sa bansa.

Ayon sa panukala ni Sec. Tulfo sa Senado, pinamamadali nito ang pagtatayo ng evacuation centers.

Dapat kasi noon pang nakaraang mga administrasyon ‘yan isinagawa dahil ang Pilipinas naman talaga ay daanan ng mga bagyo, at batay na rin sa pagtaya ng PAGASA ay umaabot sa 25 bagyo kada taon ang pumapasok sa Pilipinas.

***

NUEVA ECIJA, ISINAILALIM
NA SA STATE OF CALAMITY

Isinailalim na sa state of calamity ang Nueva Ecija. Ito ay dahil sa naging pinsala ng lalawigan dulot ng Super Typhoon Karding.

Ang nasabing hakbang ay upang maisaayos ang paggamit ng pondo at maipatupad ang price freeze sa pangunahing mga bilihin sa lalawigan.

Nakasaad sa resolusyon ni Gov. AURELIO UMALI, prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang mga nasalanta sa sektor ng agrikultura at ang nawasak na mga bahay ng mga residente ng lalawigan, at upang agarang maibalik ang suplay ng kuryente sa lalawigan.

Kabilang sa naturang deklarasyon ang pitong bayan at ang limang siyudad ng Nueva Ecija na matinding pininsala ng Bagyong Karding.

***

MGA WALANG LISENSYANG
POGOs IPINASASARA!!!

IPINAG-UTOS na ni Justice Secretary Crispin Remulla sa NBI at PNP na isara ang halos 200 ilegal na mga Philippine Offshore ­Gaming Operations o POGOs sa bansa.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, batay sa listahan na natanggap nila mula sa PAGCOR, mayroong 175 na mga POGO sa bansa na ilegal na nag-o-operate.
Sa ngayon aniya ay wala pang inisyal na report na isinumite ang NBI at PNP sa ipinasarang POGOs.

Inihayag ni Clavano na inatasan na ni Sec. Remulla ang NBI na muling imbestigahan ang mga POGO na nag-o-operate pa rin kahit walang lisensya. Iniutos na rin ng kalihim na imbestigahan ang POGO related crimes.

422

Related posts

Leave a Comment