(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NGANGA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng kanyang inaanak at pamangkin ni First Lady Liza na si direk Paul Soriano.
Trending kahapon sa social media si Soriano matapos madiin na siyang dahilan ng sablay na promotional video na nilabas ng Department of Tourism (DOT).
Tinanggal na sa social media platform ang video matapos umani ng mga batikos nang ibuking ng isang vlogger na kinuha lang sa ibang website ang ilang video clip na ginamit.
Sa Facebook post ni Sass Sasot, binuking nito na apat sa mga ipinakitang video clip sa ‘Love the Philippines’ promo ng DOT ay hindi bago kundi stock footages mula sa website na storyblocks.com.
Ang masaklap pa aniya, hindi kuha sa Pilipinas ang mga nasabing video footage.
Partikular na tinukoy ni Sasot ang video clip ng: 1. Lake sa Thailand, 2. Bali, Indonesia, 3. Dubai, United Arab Emirates, at 4. isa pang hindi matukoy na lokasyon ngunit hindi aniya sa Pilipinas.
Ayon sa ulat, hindi ito ang unang pagkakataon na nakialam si Soriano, mister ng aktres na si Toni Gonzaga sa proyekto ng DOT.
Ang mag-asawang Soriano ay inaanak sa kasal ni Pangulong Marcos Jr.
Nabatid na sa naunang “We give the world our best” campaign ng naturang ahensya ay sumawsaw rin si Soriano.
Umani ng samu’t saring reaksyon ang nasabing kampanya na maging ang ilang senador ay nagsabing hindi malinaw ang mensaheng nais iparating sa ibang bansa.
Sa kabila nito, hindi natigil sa pakikialam si Soriano na itinalagang Presidential Adviser on Creative Communications ni Marcos Jr.
Dahil dito, marami ang naniniwalang isasakripisyo ang ad agency na DDB Group Philippines upang pagtakpan si Soriano na siyang pumalpak sa paggamit ng mga video na kuha sa ibang bansa para i-promote ang Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni House deputy minority leader France Castro na itutulak nito na imbestigahan sa Kamara hindi lang ang DOT kundi ang kontraktor na ginamit ng mga ito sa nasabing slogan.
