NASINDAK ang ilang mga residente nang manghalihaw ng jungle bolo ang isang 52-anyos na lalaki sa loob ng isang transceiver cargo logistics sa Muralla Bridge, Road 10, Barangay 128, Zone 10, Balut, Tondo, Manila noong Martes ng gabi.
Agad namang sumuko sa nagrespondeng mga tauhan ng Smokey Police Community Precinct na sakop ng Manila Police Station 1, ang suspek na si Louie Tayab, biyudo, ng nabanggit na lugar.
Base sa ulat nina Police Corporal David Magallanes at Patrolman Fidel Bejar Jr., kapwa nakatalaga sa Smokey PCP, bandang alas-6:10 ng gabi habang nagsasagawa sila ng anti-criminality campaign sa lugar, nang humingi ng tulong ang ilang mga residente hinggil sa lalaking armado ng jungle bolo at nanghahalihaw ng taga.
Nang mamataan ang paparating na mga pulis agad namang binaba ng suspek ang kanyang itak at kusang loob na sumuko.
(RENE CRISOSTOMO)
