Aalisin na bilang requirement BRGY. CERTIFICATE INABUSO SA VOTERS REGISTRATION

HINDI na kakailanganin ang barangay certification sa voters registration dahil bukod sa pinagkakakitaan lamang ng tiwaling mga opisyal at mga partido politikal, napatunayang weaponized ito para sa pansariling interes sa eleksyon.

Ayon kay Commission on Election (Comelec) Chairman George Garcia sa ginanap na Manila City Hall Reporters (MACHRA) Balitaan sa Harbour View nitong Huwebes, hindi na kakailanganin ang barangay certificate as proof of residency bilang isa sa requirements para makapagparehistro.

Sa nasabing MACHRA forum, sinabing weaponized na at garapal na nagagamit sa pamumulitika ng mga kandidato ang barangay certification.

“Yung iba kasing barangay may bayad ‘yun, pero ‘yung iba ay wala, kung me bayad, asan ang pera, kaya nagagamit lang ito ng mga kandidato sa pamumulitika kaya aalisin na namin,” ayon kay Garcia.

Kaugnay nito, nabatid na magsisimula sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 6 ang filing ng candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).

Habang sa Hulyo naman nakatakda ang voters registration, sampung araw na voters registration at muling ipagpapatuloy pagkatapos ng nakatakdang BARMM Parliamentary election at Barangay SK polls.

Pinaalalahanan ni Garcia ang mga kandidato na iwasan ang premature campaigning lalo na sa BKS Election, dahil oras na maghain sila ng kandidatura ay ikinokonsidera na silang mga kandidato at hindi na maaaring magpamigay ng kung ano-ano na maituturing na early campaigning.

Samantala, sinabi ni Garcia na pinapayagan lamang ang isang watcher sa kada kandidato at makukunsiderang vote buying kapag lumampas sa isa ang watcher.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang COMELEC sa ilang E-wallet providers para matukoy ang mga posibleng gumamit ng nasabing apps para sa vote buying.

(JESSE KABEL RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment