INILABAS ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang unang apat na opisyal na kalahok sa ika-52 edisyon nito kasabay ng pag-anunsyo ng mga bagong programa upang mas mahikayat ang publiko na suportahan ang pelikulang Pilipino.
Sa paglulunsad ng unang batch ng entries sa GH Mall sa San Juan City, sinabi ni MMDA Chairman at MMFF Overall Chairman Atty. Don Artes na magiging host cities ngayong taon ang San Juan at Mandaluyong, habang dadalhin din sa Bacolod City ang Parade of Stars at iba pang aktibidad ng MMFF.
Ang unang apat na pelikulang napili mula sa 26 na isinumiteng script ay ang “2nd Miracle in Cell No. 7” nina Aga Muhlach at Xia Vigor; “Amir” nina Dennis Trillo, Will Ashley at Glaiza de Castro;
“Haunted Carnival” na pinagbibidahan nina John Arcilla, Julia Barretto, James Reid at Maricel Soriano; at “The Greatest Showdown” na tampok sina Vic Sotto at Vice Ganda.
Ayon kay Artes, napili ang mga pelikula batay sa kanilang teknikal at malikhaing kalidad, komersiyal na halaga, pandaigdigang potensiyal at pagpapahalagang Pilipino.
Inanunsyo rin niya na simula Disyembre 25, 2026 hanggang Enero 2027, P299 lamang ang magiging pinakamataas na presyo ng tiket sa lahat ng sinehang kalahok sa MMFF, alinsunod sa kasunduan sa Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
Aniya, maaari pang mas mababa sa P299 ang presyo ng tiket, lalo na sa mga lalawigan, depende sa magiging pasya ng mga distributor at producer.
Nagbabalik din sa MMFF ang student short film competition na bukas sa mga mag-aaral sa high school at kolehiyo sa buong bansa. Ang mga mapipiling limang minutong maikling pelikula ay ipapalabas kasama ng walong opisyal na MMFF entries.
Tatanggap ang mga mananalong student filmmakers ng P100,000 cash prize, bukod sa P20,000 development grant at P50,000 production grant mula sa Film Development Council of the Philippines at Film Academy of the Philippines.
Dinaluhan ang paglulunsad nina San Juan Mayor Francis Zamora, Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, Bacolod Mayor Greg Gasataya, MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, FDCP Chairman Jose Javier Reyes, mga opisyal ng MMFF at ilang artista na nagbigay-aliw sa programa.
(DANNY QUERUBIN)
53 