BISTADOR ni RUDY SIM
KAILANGAN nang gawing prayoridad ang nutrisyon bilang pundasyon ng edukasyon dahil ang mga batang maililigtas natin ngayon ang magpapatakbo ng bansa bukas.
Hindi makakamit ang tunay na reporma sa edukasyon kung mananatiling gutom at malnourished ang ating mga kabataan. Ito ang sentro ng panawagan ni Benhur Abalos Jr., dating mayor ng Mandaluyong at ngayo’y tumatakbong senador, na nagsasabing kailangang simulan ang pagsasaayos ng edukasyon sa pinakaunang hakbang: ang kalusugan ng utak ng bata.
Sa mga diskusyon ukol sa mababang performance ng mga estudyanteng Pilipino sa international assessments tulad ng PISA, madalas na nababanggit ang kakulangan sa guro, kulang sa gamit, at luma ang pasilidad. Pero tila nakakaligtaan ang isang mas ugat na dahilan—ang mismong kondisyon ng mga batang pumapasok sa eskuwela.
Binibigyang-diin ni Abalos ang matagal nang problema ng stunting sa bansa, kung saan halos tatlo sa bawat sampung batang wala pang limang taong gulang ay may pagkaantala sa paglaki at pag-unlad ng utak. Sa mga lugar gaya ng BARMM, mas malala pa—apat sa bawat sampu ang apektado. At ayon sa mga eksperto, hindi na kayang itama ang pinsalang ito kahit pa mabigyan ng masustansyang pagkain o de-kalibreng edukasyon sa mga susunod na taon.
Kaya’t tama lamang ang punto ni Abalos: bago pa man tayo mag-usap tungkol sa pagbabago ng curriculum, dagdag na modules, o digital learning, kailangan muna nating tiyaking may sapat na nutrisyon ang mga batang Pilipino mula pa sa sinapupunan.
Hindi ito teorya lang para kay Abalos—nagawa na niya ito. Sa Mandaluyong, inilunsad nila ang malawakang nutrition program na naka-focus sa unang 1,000 araw ng isang bata—ang pinaka-kritikal na yugto ng brain development. Hindi lang mga estudyante ang tinulungan; simula pa lang sa mga buntis, may rasyon na ng folic acid, nutritional supplements, at suporta sa breastfeeding. Ang resulta: sunod-sunod na pagkilala mula sa national nutrition bodies, at higit pa rito, mga estudyanteng nanguna sa National Achievement Test.
Ang simpleng prinsipyo ni Abalos ay malinaw: kapag malusog ang utak ng bata, mas handa siyang matuto. At kung bawat komunidad ay susunod sa modelong ito, mas malapit nating mararating ang layuning makapaghatid ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Sa panahong gutom ang maraming pamilya at napag-iiwanan ang mga probinsya sa serbisyong pangkalusugan, kailangan natin ng lider na hindi lang mahusay sa diskurso kundi may konkretong karanasan at malinaw na plano. Sa adbokasiyang ito, ipinapakita ni Benhur Abalos na hindi lang siya nangangako—may napatunayan na.
