Bumalik si dating senador Manny Pacquiao sa sinilangan niyang bayan sa Kibawe, Bukidnon, para pagtibayin ang panata para sa mga kababayan.
Ipinakita naman ng kanyang mga kababayan sa Bukidnon ang 100 porsyentong suporta kasabay ng taos pusong pasasalamat.
Sa harap ng kanyang mga kababayan, ipinahayag ni Pacquiao ang kanyang layunin sa pagbabalik sa senado.
“Hindi ko nalilimutan kung saan ako nanggaling, at babalik ako para sa inyo dahil kailangan kong tuparin ang aking mga pangako,” ani Pacquiao. Binanggit ni Pacquiao ang mga panukalang batas at plataporma na kaniyang isusulong.
Nakatuon si Pacquiao sa countryside development o pag-unlad ng mga liblib na lugar upang mapabuti ang kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa kanayunan. Pangunahing bahagi ng kanyang adbokasiya ang:
• Libreng pabahay para sa mga mahihirap at biktima ng kalamidad
• Pagsulong ng kabataan sa pamamagitan ng mga sports program
• Malawakang access sa edukasyon para sa lahat
• Pagsasaayos at pagpapalawak ng mga imprastruktura—tulay, kalsada, at koneksyon mula sakahan patungong pamilihan
• Mas malawak na serbisyong pangkalusugan sa mga rural na lugar
• Pagpapalakas ng kabuhayan sa pamamagitan ng mga kooperatiba
Ang pagbabalik ni Pacquiao sa Kibawe ay hindi lamang simbolo ng kanyang pinanggalingan, kundi patunay ng kanyang layunin na ibalik ang biyaya sa mga komunidad na humubog sa kanya.
“Ang hangarin ni Manny Pacquiao ay maranasan ninyo ang ginhawa ng isang payapa, maayos, at masaganang buhay,” dagdag ni Pacquiao.
Sa pamamagitan ng konkretong aksyon at mga programang direktang makikinabang ang mga napag-iiwanang komunidad sa bansa, layunin ni Pacquiao na pantayin ang agwat ng pag-unlad sa pagitan ng lungsod at kanayunan—upang walang Pilipinong maiiwan sa biyahe ng pag-asenso.
(Danny Bacolod)
