IPINAKITA ni Pangulong Bongbong Marcos na mas inuuna niya ang bayan kaysa pulitika matapos hingin sa Kongreso na unahin ang malalaking reporma na matagal nang hinihingi ng publiko.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang panawagan ng Pangulo ay sentro sa apat na isinusulong na reporma: anti-dynasty bill, pag-aayos sa party-list system, pagbuo ng Independent People’s Commission, at mas malinaw na access sa gastos ng gobyerno.
“Ang pagpaprayoridad sa mga repormang ito ay paanyaya sa publiko na maniwala muli. Ipinapakita nitong handa ang Pangulo na ayusin ang matagal nang dapat ayusin,” ani Goitia.
Matagal nang binabatikos ang political dynasty pero bihira itong umabante. Sa paglagay nito bilang top agenda, aniya, malinaw ang mensahe ng Palasyo: oras nang harapin ang ugat ng kawalan ng patas na pulitika.
“Hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan — at ito ang ginawa ng Pangulo,” dagdag pa niya.
Kasama rin sa repormang isinusulong ang pagsasaayos ng party-list system na sinasabing lumayo na sa layuning tulungan ang mga nasa laylayan.
“Ang party-list ay para sa mga sektor na tunay na nangangailangan, hindi para sa sinomang nakalusot lang sa sistema,” giit ni Goitia, na naniniwalang mahalaga ang pagkukumpuni ng mekanismo para maibalik ang tiwala ng publiko.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang transparency sa paggastos ng gobyerno, hakbang para sa pamahalaang mas bukas at madaling maunawaan.
“Lumalaki ang tiwala kapag nakikita ng tao ang galaw ng pamahalaan. Hindi dapat misteryo ang serbisyo publiko,” dagdag ni Goitia.
Sa kabila umano ng intriga, itinulak ni Marcos ang pangmatagalang reporma. “Hindi salita ang reporma. Ito ay direksyon at tapang. At iyon ang ipinakita ng Pangulo,” wika pa niya.
Para kay Goitia, pagod na ang taumbayan sa lumang estilo ng pulitika. Kaya ang panawagan ni Marcos ay hindi lang pangako, kundi imbitasyon sa buong pamahalaan at publiko na kumilos para sa tunay na pagbabago.
Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented groups: ABKD, PADER, Liga Independencia Pilipinas, at FDNY Movement, mga organisasyong nagsusulong ng katotohanan, katatagan, at dangal ng bansa.
167
